Dekanong Makabayan

Hindi mabuting kalagayan ng bansa

July 30, 2023

Umikot sa usapin ng ekonomiya at negosyo ang lagpas sa isang oras na State of the Nation Address (Sona) ni Pangulong Bongbong Marcos noong Lunes. Sa kaniyang talumpati, naglahad siya ng statistics na diumano’y nagpapakita ng kamangha-manghang pagbangon ng ekonomiya matapos ang pandemya.

Ayon kay Marcos Jr., nasaksihan natin sa mga nakaraang buwan ang pagbaba ng presyo ng iba’t ibang bilihin. Matagumpay nating napababa ang presyo ng bigas, karne, isda, gulay at asukal, alinsunod sa ipinakitang Flourish data visualization.

Ngunit gaya ng punto ng iba, kailangan linawin ang pagdiin sa pagbaba ng bilihin. Ayon sa consumer price index na ikinukumpara ang presyo ngayon sa presyo noong 2018, tumaas o parehas lang ang presyo ng bigas, isda, gulay at asukal sa mga nakaraang buwan.

Noong unang taon ni Marcos Jr. bilang pangulo at pinuno ng Department of Agriculture, kinailangan niyang tugunan ang pagtaas ng mga sangkap gaya ng sibuyas (560% na pagtaas mula June 2022), asukal (40% na pagtaas mula June-August 2022) at itlog (40% na pagtaas mula June 2022). Sa kasamaang palad, hindi pa rin ito nareresolba hanggang ngayon.

Ipinagmalaki rin ng pangulo ang 95.7% na pagtaas ng employment rate. Patunay daw ito na bumubuti na ang naranasan nating “severe unemployment” noong pandemya. Hindi niya binanggit sa Sona ang pagtaas ng unpaid workers.

Sa lahat ng natatrabaho sa bansa, higit sa isang milyon ang “unpaid workers.” Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang “unpaid family worker” ay isang indibidwal na nagtatrabaho sa family-operated farm o negosyo nang walang bayad. Kadalasan, miyembro ng pamilya ang gumagawa nito. Mahalagang alalahanin na hindi kabilang sa suweldo ang pagkain at allowance.

Tila naging espasyo ang Sona para sa maingat at magaling na pag-iwas mula sa mahahalagang isyu.

Idiniin din ng pangulo na 7.8% ang itinaas ng gross domestic product (GDP) noong 2022. Hindi niya naman binanggit na isa ang Pilipinas sa mga bansang pinakamalala ang tama ng pandemya. Dahil dito, malala rin ang naging pagbagsak ng ekonomiya.

Nabanggit din sa Sona na bumaba na ang inflation rate mula sa 8.7% noong Enero patungo sa 5.8% noong Hunyo. Ang problema, malayo pa rin ito sa target range na 2% hanggang 4%. Dagdag pa rito, ayon sa datos ng PSA, tumaas ang rice inflation. Nasa 3.6% ang itinaas ng presyo nito noong Hunyo, mas malaki kung ikukumpara sa 2.7% na pagtaas noong Enero.

Sinimulan ni Marcos ang talumpati niya sa nakakaengganyong datos gaya ng 7.6% na economic growth noong 2022. Ito raw ang pinakamalaking pagtaas sa loob ng 46 na taon. Ngunit dapat tandaan na ang first quarter GDP growth na 6.4% ay mas mababa kaysa sa 8.3% na pagtaas noong first quarter ng 2022. Mas mabagal din ang pagtaas na ito kung ikukumpara sa 7.1% noong huling quarter ng 2022.

Hindi binanggit ng pangulo na pinakamabagal ang 6.4% na pagtaas ng GDP simula nang matapos ang recession dahil sa pandemya noong 2021.

Tila naging espasyo ang Sona para sa maingat at magaling na pag-iwas mula sa mahahalagang isyu. Halimbawa, walang sinabi si Marcos Jr. tungkol sa pandadahas ng Tsina sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea, sa kontrobersiyal na “Love the Philippines” na kampanya, sa lumalalang pampublikong transportasyon at sa pagbalik ng imbestigasyon ng International Criminal Court sa administrasyon ni Duterte dahil sa drug war.

Mahalaga ang mga isyung ito sa buhay ng ordinaryong Pilipino. Nasasakripisyo ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas dahil sa pandarahas ng Tsina. Nagdadala rin ito ng mga problema sa diplomasya at seguridad.

Habang patuloy ang paghahanap sa mapayapang resolusyon, komplikado pa rin ang sitwasyon. Patuloy ang pagsalalay ng ating bansa sa superpowers ngunit walang nabanggit tungkol sa foreign policy. Sa kabila ng pangako ng pangulong protektahan ang ating soberanya, hindi niya naman kinukundena ang paglabag ng Tsina sa arbitral ruling. 

Pinakamalaking pagkukulang ng Sona ang pag-iwas sa talakayan tungkol sa korupsyon, karapatang pantao at peace process ng National Democratic Front of the Philippines.

Hangga’t may mga tunggalian sa lipunan, nangingibabaw ang karahasan at matingkad ang impunity, patuloy ang krisis sa Pilipinas, at patuloy ang hindi mabuting kalagayan ng bansa.