Pagpaslang sa abogado sa Abra, kinondena

September 17, 2023

Kinondena ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) at National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang pamamaslang sa kanilang kapwa manananggol sa Bangued, Abra.

Pinagbabaril ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo si Atty. Ma. Saniata Liwliwa Gonzales-Alzate habang ipinaparada ang kanyang kotse sa harap ng kanilang bahay, hapon ng Setyembre 14.

“Nagsisilbing paalala ang pagpatay sa kanya na patuloy at malaganap ang mga bantang kinakaharap ng mga abogado, huwes at mga opisyal ng korte sa buong Pilipinas,” pahayag ng IBP sa Ingles.

Sinabi rin ng IBP na walang lugar sa isang lipunang ipinundar sa katarungan at pagkamakatao sa sinumang dumadahas sa mga nagsusulong ng propesyong legal at katarungan.

Sa tala ng NUPL, pangatlo si Gonzales-Alzate na abogadong pinaslang sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dating pangulo ng IBP Abra Chapter si Gonzales-Alzate at nagsilbi ring tagapangulo ng Legal Aid Committee nito. Nagbigay siya ng serbisyong legal sa mga hindi kayang magbayad katulad sa isang biktima ng ilegal na pag-aresto, detensiyon at tortyur ng PNP nitong Enero at nabigyan ng karampatang proteksiyon sa pamamagitan ng writ of amparo mula sa Regional Trial Court ng Abra.

Parehong nanawagan ang IBP at NUPL sa mga ahensiya ng pamahalaan, partikular sa National Bureau of Investigation at Philippine National Police, na magsagawa ng agarang imbestigasyon at resolusyon sa pagpatay kay Gonzales-Alzate, kasama ng iba pang nakabinbing kaso ng pamamaslang sa kanilang mga kasamahan sa propesyong legal.

Ipinaalala rin ng NUPL ang “mga panganib ng paglimot” ngayong nalalapit ang komemorasyon ng deklarasyon ng batas militar ni Marcos Sr. sa Setyembre 21.

Sinabi ng NUPL na hindi dapat malimutan ang kamatayan ng kanilang mga kasamahan dahil sa kanilang gawain sa propesyon legal at ang mga brutal na pagpaslang sa war on drugs at panahon ng batas militar ay mga paalala na namamayani ang kawalang pananagutan.

Nangako rin ang grupo ng mga abogado na patuloy nilang panghahawakan ang kanilang misyon na isulong ang karapatang pantao at maglingkod sa mga nangangailangan, lalo na ang mga mahihirap at marhinado, sa kabila ng mga atake sa kanilang hanay.