Korte sa Kuwait, binigyang hustisya ang pagpatay sa OFW
September 16, 2023
Ikinatuwa ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan (KMK) ang hatol ng korte sa Kuwait sa kaso ng pagpatay sa overseas Filipino Worker (OFW) na si Jullebee Ranara noong Enero.
Hinatulan ng 15 taong pagkakakulong si Ayed Al-Azmi, 17 taong gulang na Turkish national, sa pagpaslang kay Ranara. Ginahasa, binugbog, sinagasaan at sinunog ni Al-Azmi si Ranara.
“Nakamit natin ang hustisyang ito dahil sa malakas na panawagan ng pamilya at mga kaibigan ni Jullebee at sa tulong ng iba’t ibang mga organisasyong nagsusulong ng interes ng ating mga kababayang manggagawa sa ibayong dagat,” ani Jacquiline Ruiz, tagapagsalita ng KMK.
Enero 21 nang matagpuan sa disyerto sa Kuwait ang bangkay ni Ranara. Napag-alaman din na limang buwang buntis si Ranara sa panahon ng kanyang pagkamatay.
Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng KMK para sa katarungan ng iba pang biktima ng pamamaslang at pang-aabuso sa mga OFW
“Dapat maglaan ang pamahalaan ng sapat na pondo para sa serbisyo at anumang porma ng tulong sa mga biktima,” wika ni Ruiz.
Nilalayon din ng KMK ang patuloy na ugnayan sa mga grupo at organisasyong nagsusulong sa karapatan ng mga kababaihang OFW sa iba’t ibang panig ng mundo.
Ayon kay Ruiz, tinututukan din nila ang madokumento ang mga kaso ng paglabag sa mga kababaihang OFW.
“Madalas kasi nalalaman na lang natin ang mga ganitong paglabag kapag pinatay na sila,” sabi ni Ruiz sa isang panayam.
Kasalukuyan pa ring may pansamantalang deployment ban sa Kuwait ang mga first-time household service worker matapos ng masaklap na sinapit ni Ranara.
Ngunit hindi binabalak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang permanenteng deployment ban sa naturang bansa.