Araullo laban sa red-tagging nina Badoy at Celiz

September 12, 2023

Nagsampa ng kasong sibil laban sa paninirang puri ang mamamahayag na si Atom Araullo, kasama ang kanyang mga abogado at pamilya, sa Quezon City Regional Trial Court. Larawan ni Andrea Jobelle Adan.

Nagsampa ng kasong sibil ang mamamahayag na si Atom Araullo laban sa mga host ng Sonshine Media Network International (SMNI) na sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz nitong Setyembre 11. Para sa sinasabing paninirang puri ng dalawa, P2 milyon ang idinedemanda ng panig ni Araullo bilang pagpapanagot.

“Noong una, pinili kong ipagkibit-balikat ang mga paratang lalo’t walang katuturan ang mga ito,” sabi ni Araullo. Pero, aniya, kailangan niyang manindigan para sa katotohanan.

Nauna ng kinasuhan ng kanyang inang si Bagong Alyansang Makabayan chairperson emeritus Carol Araullo sina Badoy at Celiz dahil sa red-tagging at paninirang puri noong Hulyo.

Ayon kay Atty. Antonio La Viña, tagapangulo ng Movement Against Disinformation at isa sa mga abogado ni Araullo, mahalagang maipakita sa kaso na ito na posibleng mapanagot ang mga pasimuno ng red-tagging o pagpaparatang na komunista o terorista ang isang tao, o ‘di kaya naman ay kasabwat sa terorismo.

Sa magkakaibang mga post sa social media at sa channel ng SMNI, sinabi nina Badoy at Celiz na may kaugnayan si Araullo sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines. Si Badoy ang dating spokesperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Noong 2020, sinabi ng NTF-Elcac na tungkol sa mga “terrorist training camp” ang dokumentaryo ni Araullo na “Ang Iskul Kong Bakwit.” Sa dokumetaryo, itinala ni Araullo ang danas ng mga estudyanteng Lumad na lumipat muna sa Maynila dahil sa banta ng militarisasyon sa kanilang komunidad.

“[Inakusahan] si Atom na binibiktima daw niya ang mga Pilipino at pinoprotektahan niya ang mga terorista,” ani Atty. Ayn Ruth Tolentino-Azarcon, isa sa mga co-counsel.

Nakatanggap na ng mga banta sa buhay si Araullo, pero, sabi niya, “Mas nangangamba pa nga ako [para] sa mga ibang journalist sa ibang bahagi ng Pilipinas, na maaaring hindi kasing protected ko.”

Giit naman ni Atty. Rico Domingo, lead counsel, nababalita man ang red-tagging, hindi naman nabibigyan ng sapat na pansin ang epekto ng red-tagging sa demokrasya.

“Ito ay may chilling effect sa mga journalist. Bago pa kayo mamahayag, matatakot na kayo,” sabi niya.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), may 19 kaso na ng red-tagging ang naitala sa administration ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan kabilang mismo ang ilang miyembro ng NUJP at independent media tulad ng Bulatlat at Kodao Productions.

Bagaman ito’y partikular sa akin at sa aking pamilya, tingin ko ito’y bahagi ng mas malawak na pattern ng panggigipit sa mga [member] of the press,” sabi ni Araullo.

Bilang pagkilala sa danas ng midya sa mapanupil na libelo, hindi kriminal na kaso ang sinampa ni Araullo. Ang libelo, aniya, ay ilang beses na nagagamit panggipit sa midya.