close
Editoryal

Baryang umento, insulto


Mula nang umiral ang Wage Rationalization Law noong 1989 na nagtakda ng iba’t ibang sahod sa mga rehiyon, bumaba ng 22% ang tunay na halaga ng sahod, kahit pa tumaas ng 88% ang labor productivity o halagang nilikha ng mga manggagawa. Mula taong 2000 hanggang 2023, tumaas ng 63% ang productivity, pero 9% lang ang itinaas ng minimum wage.

Hindi nanlilimos ang mga manggagawang Pinoy. Hinihingi nila ang makatuwiran at makatarungang pagtumbas sa kanilang lakas-paggawa. Kaya itinuturing nilang insulto ang baryang dagdag-sahod na ibinigay ng administrasyong Marcos Jr.

Napakalayo ng inaprubahang P35 dagdag-sahod sa inihaing petisyon ng mga manggagawa na itaas sa P1,207 ang minimum wage sa National Capital Region (NCR). Wala pa rin ito sa kalahati ng panukalang P150 across-the-board na dagdag-sahod na nakahain sa Kamara.

Kahit P645 na ang minimum wage sa NCR, hindi pa rin ito makabubuhay ng pamilya. Sa huling tala ng Ibon Foundation, nasa P1,190 ang family living wage o kailangang sahod para mabuhay nang disente ang isang pamilya. Ang katiting na 5.7% na umento, hindi man lang natumbasan ang 6.5% na pagtaas ng presyo ng pagkain o food inflation nitong Hunyo.

Ipinagmalaki ng Department of Labor and Employment na mas mataas pa rin ang sahod sa NCR kumpara sa poverty threshold o halagang sukatan ng kahirapan. Para sa gobyerno, hindi na mahirap ang pamilya na may P452 kada araw kahit pa lima ang miyembro nito.

Pero P504 lang ang tunay na halaga ng minimum wage sa NCR, halos kapantay lang ng napakababa nang pamantayan ng gobyerno. Paano pa ang mga manggagawa sa mga probinsyang mas mababa ang minimum wage? Paano pa ang napakaraming manggagawang kontraktuwal na sumasahod ng mas mababa sa minimum?

Sabi ng Employers’ Confederation of the Philippines, dismayado ang maraming employer dahil mahihirapan silang ibigay ang P35. Paalala naman ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, kailangang isaalang-alang ang epekto nito sa micro, small at medium enterprises (MSMEs). Pero kahit mas mataas sa tawad nilang P15 hanggang P20, “nirerespeto” naman daw nila ang inaprubahang halaga.

Napakalaki ng nililikhang yaman ng mga manggagawa para sa mga negosyo at ekonomiya. Pero ang trato sa kanila ng gobyerno at kapitalista, mga pulubing hinahagisan ng barya.

Mula nang umiral ang Wage Rationalization Law noong 1989 na nagtakda ng iba’t ibang sahod sa mga rehiyon, bumaba ng 22% ang tunay na halaga ng sahod, kahit pa tumaas ng 88% ang labor productivity o halagang nilikha ng mga manggagawa. Mula taong 2000 hanggang 2023, tumaas ng 63% ang productivity, pero 9% lang ang itinaas ng minimum wage.

Nakapagtala ng 28% na pagtaas ng tubo ang lahat ng negosyo sa bansa mula 2020 hanggang 2021. Nasa 104% naman itinaas sa tubo ng 100 pinakamalalaking korporasyon sa bansa mula 2020 hanggang 2022. Lumobo rin ng 31% ang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino. Sa mga taong ito, 11% lang ang itinaas ng sahod.

Ayon sa Ibon, 11% lang ng gastusin ng lahat ng negosyo sa bansa, maliit man o malaki, ang pasahod. Ang P150 dagdag-sahod, katumbas lang ng 10.6% na bawas sa tubo ng lahat ng negosyo at 11.3% naman kung MSMEs. Kahit pa maging P1,207 ang minimum wage, 47% lang ang mababawas sa tubo ng lahat ng establisimiyento sa buong bansa. Kurot lang sa tubo. Hindi magagalaw ang kanilang kita o kapital. Kaya hindi rin dapat magdulot ng pagtaas ng presyo o tanggalan sa trabaho.

Si Ramon Ang halimbawa, lumobo ang yaman mula $1.4 bilyon noong 2020 sa $3.5 bilyon ngayong 2024. Kahit bigyan ng nakabubuhay na sahod ang kanyang mga manggagawa, hindi mababawasan ang yaman niya. Hindi lang ito lolobo na kasing laki o bilis ng dati.

Hindi nanlilimos ang mga manggagawang Pinoy. Pero paulit-ulit lang silang iinsultuhin ni Marcos Jr. ng mga baryang umento hangga’t nagkakampihan ang gobyerno at kapitalista sa regional wage boards, hangga’t legalisado sa Wage Rationalization Law ang pagbarat sa minimum wage, hangga’t talamak ang kontraktuwalisasyon.

Makatuwiran, makatarungan at kayang ibigay ang nakabubuhay na sahod. Pero makakamit lang ito kung sama-samang kikilos ang mga manggagawa, mag-uunyon, magwewelga.