close
Balik-Tanaw

Desisyon sa West Philippine Sea


Ang tagumpay ng Pilipinas sa desiyon ng Permanent Court of Arbitration noong Hul. 12, 2016 ang dapat na panghawakan nang mahigpit sa hidwaan sa West Philippine Sea.

Sa tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa pag-angkin ng China sa mga isla dito, dapat nating alalahanin na may panimulang tagumpay ang Pilipinas para igiit ang karapatan nito at maiwasan ang mas matinding sigalot na kaakibat ng agawan ng teritoryo.

Ang tagumpay ng Pilipinas sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration noong Hul. 12, 2016 ang dapat na panghawakan nang mahigpit ng gobyerno ng Pilipinas sa hidwaan sa WPS.

Ayon sa desisyon, nilabag ng China ang United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos) at hindi sapat na batayan ang itinuturing ng China na makasaysayang “nine-dash line” kaya’t walang karapatan ang China sa likas-yaman sa karagatan na nakapaloob sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Sa kabila ng pagkilala ng iba pang mga bansa sa arbitral ruling, sumuway pa rin ang China at ipinagpatuloy nito ang pag-angkin sa karagatan at mga isla sa WPS gamit ang reklamasyon sa iba’t ibang isla at pagbabawal sa mga mangingisdang Pilipino na manghuli ng lamang dagat sa kanilang tradisyonal na lugar pangisdaan.

Maaaring sa paraang diplomatiko malulutas ang sigalot sa karagatan at mga islang pinag-aagawan. Bukod kasi sa mga bansang China at Pilipinas, naghahabol din ng kanilang karapatan ang Vietnam, Taiwan at iba pa—pero hindi kasing agresibo ng China.

Kaya’t hindi solusyon ang pag-uudyok na maaaring magkaroon ng giyera sa pagitan ng China at Pilipinas, sa pang-uupat ng United States. 

Ang mga Pilipinong mangingisda, kanilang pamilya at pati mga komunidad na malapit doon ang talunan sa nagaganap na girian ng dalawang bansa. Sila ang pangunahing biktima na dapat saklolohan at hindi pabayaan ng gobyerno ng Pilipinas.