close
Balik-Tanaw

Philippine-American ‘Friendship’ Day


Itinuring ang Hul. 4 bilang “Philippine-American Friendship Day” o “Republic Day” kung kailan ibinigay ng United States ang nominal na kalayaan ng Pilipinas noong 1946.

Isang makasaysayang petsa para sa Pilipinas ang Hul. 4, 1946. Itinuring ang araw na ito bilang “Philippine-American Friendship Day” o “Republic Day” kung kailan ibinigay ng United States (US) ang nominal na kalayaan ng Pilipinas. Pero totoo nga ba na malaya na tayo mula sa panghihimasok at pangingialam ng US? Hindi kaya ang araw na ito ang nagsemento sa relasyon ng Pilipinas bilang isang tuta ng bansang US?

Sa ilalim ng Tydings-Mcduffie Act na nilagdaan ni US President Franklin Roosevelt noong Mar. 24, 1934, ibibigay daw ang “kalayaan” ng Pilipinas matapos ang 10 taon—panahon ng transisyon mula sa commonwealth patungong republika. Sa loob ng 10 taon, tuturuan daw ang mga Pilipino sa tamang paggogobyerno. Kaya naman nagkaroon ng constitutional convention noon na bumalangkas sa Saligang Batas na inaprubahan ni Roosevelt noong Mar. 23, 1935.

Sa loob ng sampung taong transisyon, mananatiling teritoryo ng US ang Pilipinas. Direktang kontrolado nito ang mga usapin sa Pilipinas tulad ng militar, pananalapi at ugnayang panlabas. Tanging mga internal na usapin lang ang nasa kamay ng Pilipinas.

Deklarasyon ng nominal na kalayaan ng Pilipinas mula sa United States sa Luneta noong Hul. 4, 1946. US Signal Corps via nationalww2museum.org

Isang taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa pamamagitan ng Proclamation 2695, idineklara ni US President Harry Truman noong Hul. 4, 1946 na malaya na raw ang Pilipinas. Pagkilala daw ito sa Tydings-Mcduffie Act. Sa panahong ito, nasa gipit na kalagayan ang Pilipinas dulot ng digmaan, sinamantala ito ng US at isinabay ang pagpasa sa mismong araw ang Treaty of Manila o Treaty of General Relations and Protocol.

Bagaman nakapaloob sa Treaty of Manila ang pagkilala sa soberanya at kalayaan ng Pilipinas, marami sa nakapaloob ang pabor sa US. Tulad na lang ng pananatili ng mga base militar ng US, diplomatic representation, temporary judicial influence, at pagpapatuloy sa Treaty of Paris na pabor naman sa Espanya.

Bukod dito, matapos ang pagbibigay “kalayaan” sa Pilipinas, isinunod ang pagpasa sa Bell Trade Act na higit na nagbigay luwag sa pang-ekonomiyang interes ng US.

Nakapaloob sa kasunduan ang maluwag na taripa para sa mga imported na produkto ng US, pagpako sa palitan ng dolyar at piso sa ratio na 2:1, walang restriksiyon sa paglabas ng salapi mula sa Pilipinas at ang pagbibigay karapatan sa mga korporasyon ng US at indibidwal na sa likas-yaman ng Pilipinas o parity rights. Halos isinukong muli ng Pilipinas ang soberenya at kalayaan dahil dito sa kasunduang ito.

Kung tutuusin, hindi inalis ng US ang kanyang direktang kontrol sa Pilipinas mula noong pumasok ito sa Pilipinas noong 1898 sa Labanan sa Look ng Maynila. Simula noon, nasa laylayan ang Pilipinas at patuloy na nangangayupapa sa US. Maraming mga tratado o kasunduan ang nabuo mula 1946 hanggang ngayon, tulad ng Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Sa kasalukuyan, mas marami pa ang mga puwersa ng US sa ating teritoryo kumpara sa bansang Tsina na umaangkin sa ating karagatan.