close
Talasalitaan

Guro at kawani


Paano magkakaroon ng kapayapaan kung ang guro at kawani ay walang umento sa kanilang suweldo? Paano magkakaroon ng kapayapaan kung hinaharas ka ng estado kasabwat ang mga pulis at sundalo?

Guro at kawani – Maituturing na mga haligi ang mga guro at kawani sapagkat sila ang pumapatnubay sa mga mag-aaral at nagsisilbing pundasyon ng mga paaralan at iba pang pampublikong institusyon.

Ang mga guro ang tumatayong pangalawang magulang. Bagong kaalaman at aral sa buhay ang hatid nila nasa loob man o labas tayo ng ating silid aralan.

Sa kabilang banda, ang ating mga kawani ay naglilingkod at nag-aasikaso ng iba’t ibang dokumento at papeles at nagmimintina ng mga pasilidad. Tinitiyak nila na maayos na nagagampanan ang kanilang tungkulin bilang kawani ng gobyerno sa araw-araw.

Paano magkakaroon ng kapayapaan kung ang guro at kawani ay walang umento sa kanilang suweldo? Paano magkakaroon ng kapayapaan kung hinaharas ka ng estado kasabwat ang mga pulis at sundalo?

Dismayado ang mga guro at empleyado ng gobyerno matapos mabatid na walang dagdag sa kanilang suweldo na ipinatupad ng kasalukuyang administrasyon na nakapaloob sa P5.768 trilyong 2024 national budget ng pamahalaan.

Dahil dito, kinalampag at sinalubong ng protesta ng iba’t ibang grupo ng mga kawani ng gobyerno kasama ang mga guro para sa pagbusisi ng mga mambabatas ng Kamara sa panukalang pambansang pondo ng gobyerno.

Hinikayat nila ang mga mambababatas na pakinggan ang panawagan nilang hirit na umento sa kanilang mga suweldo.

Kung ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang tatanungin, dapat itaas ang suweldo sa P50,000 entry-level pay para sa mga guro at P33,000 sa Salary Grade 1 para sa lahat ng empleyado ng pamahalaan.

Sa deliberasyon ng pondo, kinuwestiyon ni ACT Teacher Partylist Rep. France Castro si Budget Secretary Amenah Pangandaman kung bakit walang nakalaang alokasyon para sa umento ng suweldo ng mga guro at mga empleyado ng gobyerno. 

Paliwanag ni Pangandaman na sa operating expenses ng gobyerno napunta ang malaking bahagi ng pambansang badget at karamihan ng pondo’y ilalagay ang alokasyon sa mga rehiyon habang ang iba pang bahagi ng kapuluan at central office.

May katuwiran ang ACT Partylist na isulong ang taas-suweldo ngayon 2024 dahil sa mga tumataas na presyo ng mga bilihin, kuryente, kontribusyon sa PhilHealth at iba pa.

Ikinalulungkot din ng mga guro at kawani ng gobyerno na bigo ang kasalukuyang administrasyong Marcos Jr. dahil nagsasawalang kibo sa pagtaas ng suweldo.

Malaki ang ginagampanan papel sa lipunan ng mga guro dahil hinuhubog nila ang kamalayan ng kabataan sa pamamagitan ng dekalidad na edukasyon kaya karapat-dapat itaas ang kanilang suweldo. Subalit binabaliwala ng gobyerno ang kanilang sakripisyo sa pagtuturo.

Ang mga kawani ng gobyerno’y nagbibigay ng serbisyo sa publiko at nagtitiyak na ang mga serbisyo na ito’y nakakamit ng mga mamamayan sa kanilang nasasakupan. 

Napag-iiwanan rin ang mga empleyado ng gobyerno dahil sa mababang suweldo kaya nararapat lang na itaas ang kanilang suweldo. Sa kasalukuyan, tumatanggap lang ng nasa P13,000 ang mga kawaning Salary Grade 1 at may mas mababa pa sa mga pamahalaang lokal.

Kung ating susumahin nararapat na ang rate ng minimum na suweldo ng mga kawani ng gobyerno at guro na dapat nakabatay sa pangangailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay. 

Kaya napapanahon at makatuwiran na muling magkaroon ng pambansang minimum na suweldo, taliwas sa ngayo’y umiiral na magkakaibang suweldo kada rehiyon, dahil hindi makatotohanan na mas mura ang halaga ng pamumuhay sa mga rehiyon labas ng National Capital Region.