close
Balik-Tanaw

Sino si Nelson Mandela?


Ipinanganak noong Hul. 18, 1918, pinangunahan niya ang pagpawi sa sistemang apartheid o diskriminasyon batay sa pinagmulang lahi sa South Africa.

Ipinanganak si Nelson Rolihlahla Mandela noong Hul. 18, 1918 sa mayamang angkan sa Mvezo, South Africa. Isa sa mga kilalang aktibista na nanguna sa pagpawi ng apartheid o diskriminasyon batay sa pinagmulang lahi sa bansang South Africa at hinirang bilang unang pangulo nito.

Bago maging isang abogado, kabilang si Mandela sa anti-colonial movement at aktibo sa pagsulong ng makabayang politika sa South Africa. Taong 1943 sumapi siya sa African National Congress (ANC) at naging pangulo ng Youth League nito noong 1944.

Matapos ipasa ng namamayaning partido na National Party ang patakarang white-only government na apartheid na naghihiwalay sa mga tao batay sa kanilang pinagmulang lahi o grupong etniko. Nagpasya ang ANC na pabagsakin ang gobyernong pinamumunuan ng naghaharing partido.

Nahalal siyang pangulo ng isang sangay ng ANC sa probinsya ng Transvaal at pinangunahan ang matatagumpay na kampanya laban sa apartheid tulad ng Defiance Campaign noong 1952 at ang kasunod na Congress of the People noong 1955.

Makailang ulit din siyang inaresto at kinasuhan ng sedisyon ngunit pawang ibinasura. Sa panahong ito, sumapi siya sa South African Communist Party (SCAP) at kasamang nagbuo ng militanteng grupong uMkhonto weSizwe noong 1961. Pinangunahan nito ang pagsabotahe sa gobyernong apartheid kaya’t siya’y inaresto at ikinulong noong 1962. Nahatulan siyang mabilanggo habambuhay.

Nakulong si Mandela sa loob ng 27 taon sa dalawang bilangguan at nakalaya noong 1990. Matapos mapalaya pinangunahan pa rin ni Mandela ang laban sa pagwawakas ng apartheid at ang post-reconciliation matapos mabuwag ang gobyernong puti. 

Naging unang pangulo si Mandela sa isang demokratikong halalan at pinangunahan ang malaking pagbabago at pag-unlad ng bansang South Africa.

Tulad ng nagaganap sa Palestine na apartheid at genocide, maaaring makamit ng mamamayang Palestino ang kapayapaan sa sama-samang pagkilos at suporta ng internasyonal na komunidad, gaano man ito katagal. Sabi nga ni Mandela, “ A winner is a dreamer who never gives up.”