close
Editoryal

Pondong pangkalusugan, huwag ibulsa


Ngayong naipon na ang pinalobong pondo, gusto nitong anihin ng administrasyong Marcos Jr. para sa sarili niyang pork barrel. Pondong puwede niyang gamitin para sa mga proyektong magpapabango sa datos ng ekonomiya, o para sa nalalapit na eleksiyon.

May bilyon-bilyong “sobrang” pondo ang Philhealth. Pero imbis na gamitin sa serbisyong pangkalusugan at mapakinabangan ng mamamayan, kinukuha ito ngayon ng administrasyon para maging “pork barrel” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Umabot sa P90 bilyon ang naitalang “hindi nagamit” na pondo ng Philhealth. Mula ito sa mahigit P162 bilyong subsidyo ng gobyerno na kinukuha sa dagdag-buwis sa mga produktong asukal, alak at tabako. Nagpatupad din ngayong taon ng dagdag-singil sa premium ang Philhealth.

Inutusan ng Department of Finance (DOF) ang Philhealth na ibalik ang “sobrang” pondo para ilagak sa pambansang badyet. Gagamitin ito bilang unprogrammed funds o nakatabing pondo na maaaring gamitin kung may biglang pangangailangan. Si Marcos Jr. lang ang puwedeng magtakda kung saan ito gagamitin.

Katuwiran ni Finance Secretary Ralph Recto, “natutulog” lang ang pondo at kailangang gamitin para sa mga proyektong ikauunlad ng ekonomiya. Balak ng administrasyon na ilaan ang pondo para sa mga proyektong pangimprastraktura.

Legal aniya ang hakbang ng DOF. Alinsunod sa General Appropriations Act 2024, puwedeng kunin bilang unprogrammed funds ng gobyerno ang mga sobrang pondo ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) gaya ng Philhealth.

Tinututulan ngayon ng mga manggagawa, maralita, mambabatas at sektor pangkalusugan ang sapilitang paglilipat-pondo ng Philhealth. Labag anila ito sa Universal Health Care Law na nagtatakdang dapat gamitin ang pondo ng kompanya sa pagpapalawig ng serbisyo gaya ng dagdag-benepisyo at pagbawas sa kontribusyon ng mga miyembro.

Pero paano ba nagkaroon ng napakalaking “sobrang” pondo ang Philhealth gayong napakaraming Pilipino ang hindi nabibigyan ng serbisyong pangkalusugan? May bilyon-bilyong “hindi nagamit” na pondo habang limitado naman ng saklaw at pahirapan pang makakuha ng mga benepisyo ang mga miyembro. Napakalaki ng “natutulog” na pondo pero marami ang pasyenteng namamatay na ‘di man lang nakapagpatingin sa ospital.

Mula nang itatag, batbat na ng anomalya at korupsiyon ang Philhealth. Imbis na magbigay serbisyo, ginawa lang itong gatasang baka ng mga nakalipas hanggang kasalukuyang administrasyon at kakuntsaba nilang pribadong korporasyon.

Sadyang pinalobo ang pondo ng Philhealth. Inilalaan dito ang nahuhuthot na buwis sa mamamayan mula sa Sin Tax at Sugar Tax. Nasusubsidyuhan din ito ng pondo mula sa kita ng Philippine Charity Sweepstakes Office at tong sa mga pasugalan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation. Ginagamit din ang pondo mula sa taon-taong tumataas na premium contributions ng mga miyembro para sa ipuhunan sa iba’t ibang negosyo gaya ng pagmimina, transportasyon at imprastruktura.

Habang lumolobo ang pondo, lalo namang nililimitahan ang benepisyo ng Philhealth. Patuloy nitong tinatanggihan ang panawagan para sa pagpapalawak ng saklaw na sakit at pagamutang puwedeng makaakses sa serbisyo nito. Kamakailan lang, nalantad pa ang napakalaking utang ng kompanya sa mga ospital.  

Ngayong naipon na ang pinalobong pondo, gusto nitong anihin ng administrasyong Marcos Jr. para sa sarili niyang pork barrel. Pondong puwede niyang gamitin para sa mga proyektong magpapabango sa datos ng ekonomiya, o para sa nalalapit na eleksiyon.

Sa dami ng mga Pinoy na namamatay kahit sa pinakapangkaraniwang sakit, nakakagalit na may “sobra,” “hindi nagagamit” o “natutulog” na pondo ang Philhealth. Lalong hindi katanggap-tanggap na ibulsa pa ng administrasyon ang pondo para sa kalusugan ng mamamayan.

Dapat tutulan, lalo na ng mga manggagawa at maralita, ang paghuthot ng administrasyong Marcos Jr. sa pondo ng mamamayan. Dapat nilang igiit na matamasa ang serbisyong pangkalusugan na tinutustusan ng kontribusyon at buwis mula sa kakarampot na nga na sahod. Dapat ding panagutin ang mga promotor ng korupsiyon at paglulustay ng pondong pangkalusugan.

Higit sa lahat, dapat ipaglaban ng mamamayan ang pagkakaroon ng tunay na serbisyong pangkalusugan para sa lahat, hindi katulad ng Philhealth at Universal Health Care Law na ginagawa lang balon ng katiwalian at korupsiyon at ginagamit pangtustos sa mga pribadong negosyo at pampolitikang kapangyarihan ng nakaluklok na administrasyon.