Bantayan ang pondo ng bayan
Hindi sa direktang serbisyo napupunta ang kaban ng bayan, kundi sa bulsa ng mga kurakot na opisyal at kaalyado at mga dayuhang bangko at mamumuhunan.

Nagsimula na ang mga pagdinig ng Kamara sa pambansang badyet para sa 2026. Tumataginting na P6.793 trilyon ang mungkahi ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. na badyet sa susunod na taon, mas mataas mula sa P6.326 trilyon na badyet ngayong 2025.
Laman pa rin ng mga talakayan hanggang ngayon ang maanomalyang paggamit ni Sara Duterte sa Confidential Funds ng Office of the Vice President (OVP) na P125 milyon na nilustay sa loob ng 11 araw noong 2022, batayan ng impeachment sa pangalawang pangulo.
Kung nakalimot ang Senado, Korte Suprema at si Marcos Jr. mismo, ang mamamayan hindi. Sa P125 milyon na Confidential Fund ng OVP, nasa P73 milyon ang ipinasasauli ng Commission on Audit dahil sa mga iregularidad sa paggamit ng pondong ipinamigay bilang mga “reward” na salapi, kagamitan at gamot at pinambili ng mga gamit sa paaralan na hindi umano naaayon sa mga patakaran.
Mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023, naglustay ang OVP at si Duterte ng kabuuang P500 milyon Confidential Funds ayon sa ulat ng House Committee on Good Governance.
Bilang Kalihim ng Edukasyon, gumastos si Duterte ng nasa P112.5 milyon Confidential Funds na hindi maipaliwanag kung kani-kanino ibinigay. Sa imbestigasyon ng Kamara, nasa 60% ng 677 na nakatanggap ng Confidential Funds ng ahensiya ang walang rekord sa Philippine Statistics Authority.
Sa mga pagdinig ng Kamara sa badyet ng OVP noong 2024, hindi maipaliwanag ni Duterte kung paano ginamit ng kanyang tanggapan ang pondo hanggang sa hindi na siya tuluyang humarap sa mga mambabatas sa pagbusisi sa badyet.
Ito ang problema sa Confidential and Intelligence Funds (CIF), “opaque” at “pork-barrel in disguise” ang mga pondong ito. Ibig sabihin, walang malinaw na paliwanag saan napupunta at paano ginagamit. Bagay na nasasamantala ng mga kurakot na kagaya ni Duterte.
Sa 2026, bagaman inalisan na ng CIF ang OVP mula 2024, may alokasyon pa ring P10.8 bilyon ang CIF sa susunod na taon.
Halos kalahati ng CIF o P4.5 bilyon ang mapupunta sa Office of the President, habang paghahatian ng Department of National Defense, Anti-Money Laundering Council, National Intelligence Coordinating Agency, National Security Council at iba pang ahensiya ang natitira.
Kailangang igiit na pagpopondo sa mga tunay na pangangailangan ng mamamayan, hindi sa mga maanomalya at bulnerable sa abusong mga pondo.
Bumaba man ang alokasyon mula sa P12.1 bilyon ngayon taon ang CIF, nakakabahala pa rin ang bundat na pondong inilalagak sa mga ahensiyang walang habas sa paglabag sa mga karapatang pantao.
Maliban sa CIF, kailangang bantayan ng mamamayan lump-sum at “pork-like” na pondong Special Purpose Funds (SPF) na P609.89 bilyon at Unprogrammed Appropriations (UA) na P249.989 bilyon. Wala ring transparency kung paano at saan gagamitin ang mga ito.
Hindi sa direktang serbisyo napupunta ang kaban ng bayan, kundi sa bulsa ng mga kurakot na opisyal at kaalyado at mga dayuhang bangko at mamumuhunan. Paano ba naman, malaking bahagi ng badyet ng pamahalaan ang pagbabayad ng utang.
Nasa 24.8% ng kabuuang pondo o P1.682 trilyon ang ilalaan para sa pambayad utang. Awtomatikong alokasyon ito sa bisa ng Automatic Appropriations Law na hindi na kailangan ng permiso ng Kongreso.
At saan kukunin ng gobyerno ang P6.793 trilyon badyet para sa susunod na taon?
Ayon sa Department of Finance at Department of Budget and Management, mapopondohan ang nasa P5.6 trilyon ng badyet mula sa tax and non-tax revenues kung hindi papalya sa target na koleksiyon ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.
Ngunit kulang pa rin ang target na kikitain ng pamahalaan kaya kakailanganing mangutang P2.7 trilyon para punan ang badyet. Para sa 2026, inaasahang P1.7 trilyon ang kulang na pondo. Lolobo na naman ang malaki na ngang utang ng bansa.
Hanggang walang pagpapahalaga ang rehimen sa pagpapaunlad ng industriya at ekonomiyang nakatindig sa sariling paa, palagi lang ito sasandig sa pangungutang at regresibong pagbubuwis.
Ilan lang ito sa mga kuwestiyonableng bahagi at nakababahalang usapin sa mungkahing pambansang badyet sa 2026 ng administrasyon Marcos Jr.
Dapat maging mapagbantay at mapagmatyag ang taumbayan kung saan ilalaan ang kaban ng bayan. Kailangang igiit na pagpopondo sa mga tunay na pangangailangan ng mamamayan, hindi sa mga maanomalya at bulnerable sa abusong mga pondo.
Marapat na singilin sina Marcos Jr. at panagutin si Duterte, at iba pang matataas na opisyal kung saan nila dinadala ang salaping pinaghirapan ng mamamayan.