close
Editoryal

Binabaha ng anomalya


Sa ganitong sunod-sunod na rebelasyon, napakahalaga na magtapos ang kuwento sa pagpapanagot ng lahat ng sangkot, kasama ang mga nasa kataas-taasan na nagpapaikot sa roleta.

Nakamamatay ang korupsiyon. Dito, may mga numero na patunay sa kuwento.

Isang road dike sa Naujan, Oriental Mindoro na ginastusan ng P204.8 milyon at minarkahang tapos nito lang Pebrero 2025, may sira na agad, ayon sa pagsisiyasat ng opisina ni Sen. Panfilo Lacson gamit ang kanilang drone, dahil hindi sila pinapayagan lumapit sa lokasyon.

Sa Bulacan, may nakalap silang datos tungkol sa higit 30 “guni-guning” proyekto tulad ng riverbank protection project sa Brgy. Calero, Malolos City, na minarkahang tapos noong Oktubre 2024 at pinaglaanan ng P77 milyon. Pero kinumpirma ng mga residente na walang nangyaring konstruksiyon noong nakaraang taon.

At kung susundan ang nilistang mga porsiyento ng pondo ng taumbayan na nagiging “passing through o parking fee” o lagay sa mga politiko na nakatutok sa distrito kung saan ang proyekto, kasama pa ang kickback sa mga nagpanukala, at iba pang mga padulas. Suwerte na raw kung may 40% ng pondo ang nagagamit diretso sa mga proyekto. Kapag nilapat ito sa 2026 badyet para sa flood control na higit P235 bilyon, may lagpas sa P140 bilyon ang mapupunta sa bulsa ng iilan.

Ang isang Pilipino na kumikita ng P645 kada araw (minimum wage sa Metro Manila na pinakamataas na sa bansa) kailangan magtrabaho at hindi gumastos sa loob ng 4,244 taon para makapag-ipon ng P1 bilyon. Ilang habambuhay ang ninanakaw sa atin?

Ito naman ang bahagi ng kuwento na mahirap bigyan ng eksaktong bilang: Kung ilang buhay ang naisalba kung hindi kapos ang kalidad ng mga proyekto; ilang pamilya ang hindi sana baon sa utang matapos anurin ang mga gamit sa bahay; at ilang bayan ang maligayang magbubunyi dahil hindi nasira ang pananim na ilang buwang pinagpaguran.

Nitong nagdaan pang serye ng mga bagyo, nagturuan naman ang mga nasa puwesto at dinahilan ang krisis sa klima.

Sa ulat ng SunStar Cebu, sinabi ng mga opisyal at kontraktor ng Butuanon River flood control project sa Brgy. Casuntingan, Mandaue City na matinding ulan at malakas na agos ng ilog ang dahilan bakit gumuho ang 15 metrong bahagi ng proyektong natapos noong 2024 at pinondohan ng P96 milyon.

At sa lahat ng ito, ilang beses pang sinisisi ang pamumuhay ng mga komunidad na pinakabulnerable sa rumaragasang baha at nagtataasang mga antas ng tubig. Dahil umano sa mga sachet, sa plastic, sa paninirahan sa mga estero.

Sino ba ang may gusto na kumita ng kakarampot kaya tingi-tingi ang pamimili? Ito na nga’t ang mga mambabatas at mga administrasyong nagdaan, hinayaang umabot ng lagpas tatlong dekada na walang naisasabatas na makabuluhang dagdag-sahod.

Pero ang mukha na ito ng kahirapan, inilalako pang pantasya ng pagbangon ng ilang politiko-kontraktor. May mga kuwento na galing sa hirap, nagsumikap, tapos ngayon may dose-dosena nang sasakyan.

Iba ang hirap at tiyaga sa nangungulimbat ng kontrata. Kaya kaliwa’t kanan na ang mga pagsusuri na nagaganap. Binuksan na ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Ago. 19 ang pagsisiyasat sa mga maanomalyang flood control project na hindi dinaluhan ng ilang mga kontraktor, tulad ng mga Discaya.

Sa bahagi ng midya, dumarami pa ang mga pagsisiwalat sa daan-daang mga papeles at pangalan.

Nariyan ang ulat ng Rappler sa Centerways Construction and Development Inc., isa sa top contractors at pagmamay-ari ni Lawrence Lubiano na isa sa mga nagbigay ng pinakamalaking donasyon sa kampanya ni Senate Pres. Chiz Escudero. Mahalaga ring masagot ang tanong sa ulat ng Inquirer.net kung paano nakakuha ng mga proyektong sumatotal P5 bilyon ang isang firm na may deklaradong kapital lang na P250,000.

Sa ganitong sunod-sunod na rebelasyon, napakahalaga na magtapos ang kuwento sa pagpapanagot ng lahat ng sangkot, kasama ang mga nasa kataas-taasan na nagpapaikot sa roleta.

Hindi sapat ang mga salita at pagpopostura. Hustisya at pagbalik ng ninakaw ang sinisingil magpahanggang-ngayon sa mga nagdaang eskandalo sa bansa tulad ng sa Pharmally, sa confidential at intelligence funds, at marami pang iba, tulad ng nakaw na yaman ng pamilya Marcos.

Hangga’t nananatili ang mga dambuhalang dinastiya at mga sanga-sanga nilang kakuntsaba, mananatiling lubog ang milyon-milyong inosenteng Pilipino na pinanggagalingan ng pondo.