Matatag ang pakikidigmang gerilya–CPP
Ayon kay Marco Valbuena, tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines, ang pahayag ni Ferdinand Marcos Jr. ay “katawa-tawa” at malinaw na nagpapakita ng kawalan nito sa reyalidad sa kanayunan.

Mariing kinondena ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), kung saan sinabing “wala nang mga grupong gerilya” sa bansa.
Para sa CPP, insulto ito sa katotohanan at sa patuloy na pakikibaka ng mamamayan sa kanayunan laban sa paninibasib ng mga puwersa ng estado at paglabag ng lokal na mapagsamantalang uri sa mga karapatan ng sambayanan.
Ayon kay Marco Valbuena, tagapagsalita ng CPP, ang pahayag ni Marcos Jr. ay “katawa-tawa” at malinaw na nagpapakita ng kawalan nito sa reyalidad sa kanayunan.
“Niloloko lang niya ang sarili niya,” aniya sa isang pahayag nitong Hul. 28. Giit ni Valbuena, nananatiling matatag ang mga yunit ng New People’s Army at malalim ang ugat ng suporta ng mamamayan sa kanilang hanay.
Taliwas umano sa sinasabi ng pangulo, nananatili pa ring pangunahing target ng militar ang mga komunidad ng magsasaka.
Sa kabila ng deklarasyon ng Armed Forces of the Philippines na tututok na ito sa “external defense,” karamihan sa mga tropang pandigma nito’y nananatiling naka-deploy sa mga larangang gerilya.
“Ang mga magsasaka sa kanayunan ang araw-araw na sinasalanta ng operasyong militar—sapilitang ebakwasyon, red-tagging, pang-aaresto at pamamaslang,” ani Valbuena. “Habang sinasabi ni Marcos [Jr.] na tapos na ang armadong pakikibaka, patuloy ang panunupil sa mga maralita.”
Kinuwestiyon din ng CPP ang umano’y “local peace talks” na itinutulak ng gobyerno sa ilalim ng National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD).
Anila, isa lang itong panakip-butas sa tunay na layunin ng militarisasyon: ang patahimikin ang mga komunidad na lumalaban para sa lupa, sahod at serbisyong panlipunan.
Tinuligsa rin ng CPP ang lumalalang korupsiyon sa ilalim ni Marcos Jr., kabilang ang pagbawi ng pamilya Marcos sa kanilang mga kinamkam na yaman.
Anila, sa halip na tugunan ang ugat ng kahirapan—ang pyudalismo, imperyalismo at burukrata-kapitalismo—mas pinapalala pa ito ng rehimeng Marcos Jr. sa pamamagitan ng neoliberal na patakaran at pagkapit sa Estados Unidos.
Para sa CPP, habang nananatili ang karalitaan, kawalan ng lupa at kawalan ng hustisyang panlipunan, magpapatuloy ang armadong paglaban.
“Hindi matatapos ang [pakikidigmang] gerilya hangga’t nananatili ang sistemang mapang-api,” wika ni Valbuena.