close
Editoryal

Ano raw? Ampaw!


Lampas isandaang beses pinalakpakan ang delusyonal at ampaw na talumpati ni Ferdinand Marcos Jr. Silang mga rumampa sa magarbong pagtitipon sa bulwagan ng Kongreso rin kasi ang nakinabang sa pinagtatakpang kahirapan, korupsiyon at kawalang pananagutan sa bansa.

Ampaw at delusyonal ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Lutang sa hangin ang ibinidang ilusyon ng mas gumandang buhay sa bagong Pilipinas, habang tinadtad ng retorika ang mga pangakong nakasulat naman sa buhangin.

Kahit matatapos ang 2025 na baon sa P17.35 trilyong utang ang bansa at 49% ng pamilyang Pinoy ang naghihirap, sinabi ni Marcos Jr. na maganda ang ekonomiya ng Pilipinas sa kalahati ng kanyang termino.

Bumaba raw ang inflation. Pero wala pang 1 milyon sa target na 2 milyong pamilya ang puwedeng makinabang sa ibinidang P20 na bigas. Butas pa rin ang bulsa ng maraming Pinoy sa ‘di maawat na pagtaas na presyo ng pagkain at serbisyo.

Tinanggihan ni Marcos Jr. ang panawagan para sa P1,200 family living wage. Ibinasura niya ang panukalang batas na P200 dagdag-sahod. Ni hindi man lang binanggit sa SONA ang pagtaas ng sahod ng obrero. Sa taya ng Ibon Foundation, umabot na sa P742 ang agwat ng minimum wage sa kailangang sahod para mabuhay ang isang pamilya. 

Dumami daw ang may trabaho. Pero higit 38.2 milyong Pinoy ang nasa impormal na empleyo, mababa ang sahod at walang kasiguraduhan. Nananatiling kontraktuwal ang pinakamaraming manggagawa. Ang gobyerno pa mismo ang pinakatalamak sa pagpapatupad ng kontraktuwalisasyon.

Pinataas daw ang produksiyon. Pero patuloy na pinapatay ng importasyon at liberalisasyon ang lokal na agrikultura. Aabot sa 5.5 milyon metriko toneladang bigas ang aangkatin ngayong 2025. Wala naman nang mataniman dahil sa malawakang pagpapalit-gamit ng lupa. Nawawalan rin ng kabuhayan ang higit 90% ng mga mangingisda dahil sa commercial fishing sa municipal waters.

Pinabilis daw ang pamamahagi ng lupa. Pero 68% ng mga naipamahaging Certificate of Land Ownership Award at titulo ng Department of Agriculture ay paghahati lang ng mga dati nang naipamahaging lupa.

Bukod sa ayuda at Pantawid Pamilya, walang programa para sa pagpapalakas ng lokal na agrikultura at pambansang industriya na inilatag sa SONA. Lalo pang papatayin ang mga ekonomiya at empleyo ng bansa sa paluging kasunduan sa taripa sa United States.

Wala na raw grupong gerilya sa bansa. Pero baka dumami pa nga ang mamundok dahil sa kawalan ng malinaw na tugon sa ugat ng lumalalang kahirapan ng mamamayan. Hindi kagaya ni Marcos Jr., nagtataguyod ng kongkretong programa para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ang mga gerilyang pinamumunuan ng Communist Party of the Philippines.

Kinastigo at papanagutin daw ang mga sangkot sa korupsiyon. Pero walang nabanggit tungkol sa impeachment at pagpapanagot kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Hindi ba si Marcos Jr. pa nga ang nasa unahan ng pagharang sa pagpapatuloy na paglilitis sa kanyang dating ka-tandem?

Hindi niya rin binanggit na nagpapatuloy ang korupsiyon sa confidential at intelligence funds sa ilalim ng kanyang administrasyon, bukod pa sa limpak-limpak na nakaw na yaman ng kanyang pamilya noong panahon ng diktadura. Kung may pahaging man tungkol sa kakulangan sa serbisyo, ipinagmukha niyang kasalanan ito ng iba (ng lokal, ng mga probinsya) at siya ang magpapanagot.

Siya nga pala, may bilyon-bilyong dolyar na nakaw na yaman pang hindi naibabalik ang pamilya ng pangulo.

Lampas isandaang beses pinalakpakan ng mga politiko, bilyonaryo at iba pang panauhing pandangal ang delusyonal at ampaw na SONA ni Marcos Jr. Silang mga rumampa sa magarbong pagtitipon sa bulwagan ng Kongreso rin kasi ang nakinabang sa pinagtatakpang kahirapan, korupsiyon at kawalang pananagutan sa bansa.

Pero para sa nagugutom, naghihirap at ninanakawang sambayanan, hindi maibebenta ni Marcos Jr. sa mga retorika at mabubulaklak na talumpati ang ilusyon ng isang mas magandang “Bagong Pilipinas.”

Sa ikalawang hati ng termino ni Marcos Jr., tiyak na mas titindi ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan para sa tunay na pagbabago, kaunlaran at pananagutan. Alam ng mga Pinoy, hindi nakakabusog ang ampaw.