close
Editoryal

Taumbayan ang huhusga kay Sara Duterte 


Ang mamamayan ang pinakadesididong magpanagot at maningil sa mga tiwaling opisyal. Higit na mas makapangyarihan ang hustisya ng mga lansangan.

“Unconstitutional.” Ganito lang pinagpasyahan ng Korte Suprema ang impeachment case laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte dahil sa kanyang hindi maipaliwanag na paglulustay ng mahigit P612.5 milyon—P500 milyon sa confidential funds ng Office of the Vice President at P112.5 milyon naman bilang Education Secretary.

Ayon sa desisyon ng hukuman, nalabag umano ng Kamara ang one-year ban dahil sa itinuring nilang “dismissal” sa naunang tatlong impeachment complaint laban sa bise presidente, kahit pa hindi pinasa sa Committee on Justice ng Kamara ang mga reklamo.

Nalabag din umano ang karapatan ni Duterte na ipaliwanag ang sarili laban sa mga akusasyon sa kanya dahil hindi raw siya binigyan ng kopya ng ikaapat na reklamo bago pa ito ipinasa sa Senado. Sa kabila ito ng maraming pagdinig sa Kamara na asal-pusit lang na inisnab ng bise presidente na hindi pumayag manumpa, nag-utos sa mga tauhan na ‘wag dumalo at nagdahilan pa na masyadong abala.

Kung susundin ang desisyon ng Korte Suprema na maaari pang iapela ng prosekusyon, kailangan hintayin ang Pebrero 2026 bago muling makapagsampa ng bagong reklamong impeachment. Hindi ba’t para na rin itong pagselyo sa kagustuhan ng naghaharing uri na tuluyang patayin ang kasong impeachment?

Ngunit ang tangkang pag-apula sa nagliliyab na galit ng mamamayan ay lalo lang pinasidhi ng desisyong ito. Ngayon pa na binabaha ang mga komunidad at naiiwan muli sa awa ng ayuda at pautang ang mga Pinoy?

Sa pasya ng Korte Suprema, may panibagong bara na naman sa masalimuot na ngang proseso ng pagpapanagot sa mga matataas na opisyal ng bansa. Hindi na mabilang ang pagkakataon na binigo tayo ng mismong mga institusyong inaaakala nating magtataguyod ng katuwiran at katarungan.

Ngayong lubog ang mamamayan sa kahirapan at panggigipit ng estado, malaking kataksilan sa interes ng bayan itong pasikot-sikot na pagkabalam sa impeachment.

Kung para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay Duterte at sa kani-kanilang kakampi na politika lang ang lahat, at kung ipinagmumukha ito na kaso ng pagpanig sa isa sa mga naghaharing dinastiyang politikal, aba, pangmamaliit ito sa kapasidad ng taumbayan.

Tungkol ito sa lantarang pangungurakot at karapatan ng mga Pilipino makita ang paglilitis sa ebidensya. Puwede sanang nailaan ang daang milyong pisong pondo sa mga makabuluhang proyekto sa edukasyon o mga batayang serbisyong panlipunan para sa mga pinakabulnerableng sektor. 

Dagdag pa na walang ibang bukambibig si Marcos Jr. kung hindi mag-move on na lang. Bahagi rin kaya ito ng sinabi niyang new normal? O lumang mga sakit panlipunan, tulad ng pagpapalimot sa mga kasalanan at ninakaw na yaman ng pamilya Marcos. 

Ang mga mangungulimbat at mandarambong ay sila-sila pa ring magkakampi laban sa interes ng mamamayan. Wala sa bokabolaryo ng administrasyon ang managot at magpanagot alay sa karapatan ng taumbayan. Hindi ba’t nakakainsulto sa mga Pilipinong naghihigpit ng sinturon, na hindi umaabante ang hustisya para sa pagmamaniobra sa halalan sa 2028?

Maituturing man na pagpapakomplika sa legal na proseso ng pagpapanagot itong desisyon ng Korte Suprema, kasaysayan din ang nagtuturo sa atin na hindi ito ang natatanging paraan para magpatalsik ng mga magnanakaw at mamamatay-tao. Ngayong harap-harapan tayong pinagtataksilan ng bulok na sistema ng hustisya sa bansa, sandigan natin ang sama-samang pagkilos ng mamamayan.

Sa huli, ang mamamayan ang pinakadesididong magpanagot at maningil sa mga tiwaling opisyal. Higit na mas makapangyarihan ang hustisya ng mga lansangan.

Taumbayan na mismo ang maglilitis at magpapatalsik kay Duterte. Hindi malayong kasunod si Marcos Jr. mismo bilang numero unong pahirap at pahamak sa taumbayan.

Ang kolektibong aspirasyon ng mamamayan laban sa mga ganid at dinastiya ang hahawan ng landas tungo sa tunay na alternatibong politika.