close
#KuwentongKabataan

Isa’t isa


Hindi namin ugali ang mag-iwanan sa isa’t isa, gaya ng sinasabi lagi ng nanay sa ‘min, “Kayo na nga lang ang magkamukha, hindi pa kayo magtulungan?”

Bata pa lang kami, sabay na kami sa lahat, sabay maligo, kumain, pumasok, at kahit magpatuli. Parehas din mga kaibigan namin, natatanggap na regalo tuwing may okasyon, lalo na sa aming kaarawan. Natutuhan din naman naming maghati at magbigayan, hiraman ng laruan, ng damit, hati sa baon kapag wala ang isa, pati sa responsibilidad sa gawaing bahay.

Pero nalaman namin na mayroon din kaming pagkakaiba, mahilig ako sa Sonic, siya naman sa Mario; dati, bughaw ang paborito kong kulay, siya naman sa pula; marunong ako maggitara, siya naman sa piano; panlalaki ako manamit, siya naman ay pambabae.

Nag-aral kami sa isang paaralan, mula elementarya hanggang senior high school, ngunit lagi kaming pinaghihiwalay ng silid para maiwasan ang pagkalituhan sa pagbibigay ng grado.

Ngunit nagbago pagtungtong namin ng kolehiyo, nakapasa ako sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), at nakapasok siya sa University of the Cordilleras (UC) sa Baguio City dahil sa binigay sa kanyang scholarship. Dahil sa hindi na kayang sustentuhan ang allowance at upa sa dorm, sa kalagitnaan ng semestre, bumaba siya ng Maynila para magtrabaho.

Mula noon, siya ang nagbibigay ng baon at pamasahe ko para sa eskuwelahan o kahit sa mga gala lang. Siya rin ang bumibili ng mga gamit na kailangan ko mula sa salamin sa mata hanggang sa pinakamahal na laptop. Kaya nakakahiya kapag nagpapaalam pa siya sa akin para hiramin ang mga gamit ko na siya naman ang bumili.

Tuwing sahod, mas masaya pa ako kaysa sa kanya kasi alam niyang magpapabili na naman ako ng kung ano-ano, pero mas malakas siyang gumastos kaysa sa akin. Kapag sumasapit ang hatinggabi, maiisipan niyang kumain sa labas, tatanungin niya ako kung gusto ko bang sumama, alam niyang tatanggi ako hanggang hindi niya sagot pati pagkain ko.

Dahil sa dami niyang binigay sa akin, daig pa si mama kung magbigay ng mga pangangailangan at luho. Pabiro pa akong sinusumbatan paminsan-minsan ng kakambal ko na “Ako bumili n’yan” kapag hindi ako sumusunod sa kanya. Hindi na rin kasi kaya ng nanay namin dahil mayroon pa kaming apat na nakababatang kapatid na babae na nag-aaral at sinusustentuhan din niya katulong ang amain namin na delivery rider.

Pero kaya lang din ako sumusunod dahil malaking sakripisyo na ang nagawa niya para sa akin, kumpara sa simpleng pag-utos niya sa akin gaya ng pagtupi ng damit, huminto siya sa pag-aaral ng dalawang taon, at lagi niyang nababanggit na pakiramdam niyang nahuhuli siya karera ng buhay.

Kakasimula niya lang mag-aral uli sa National University ngayong taon, unang taon niya sa kolehiyo habang patungtong na ako ng tatlong taon sa PUP. Plano niya ring lumipat sa PUP matapos niyang mag-aral doon para kumpletuhin ang mga kulang niyang yunits sa UC.

Gaya lang ng programa ko ang aaralin niya para raw matulungan ko siya sa mga asignatura niya dahil napag-aralan ko naman na, pero tinuruan niya ako paano gawin ang resume ko at paano mag-apply ng trabaho ngayong internship, kaya ako nagsusulat nito ngayon. 

Kahit hindi niya ako sabihan, alam ko sa sarili ko na kapag nakapagtapos ako ng pag-aaral, siya naman ang tutulungan ko, siya naman ang pag-aaralin ko. Ako naman ang tutugon sa mga pangangailangan niya, parang noong mga bata pa kami kung paano kami maghiraman ng laruan.

Hindi namin ugali ang mag-iwanan sa isa’t isa, gaya ng sinasabi lagi ng nanay sa ‘min, “Kayo na nga lang ang magkamukha, hindi pa kayo magtulungan?”