close
Editoryal

Marcos, ang original kurakot


Nagkukuntsabahan ang iba’t ibang sangay ng gobyerno para tiyakin ang mga kickback sa pondo. Sa ulo ng lahat ng ito, ang ehekutibo, ang pangulo. 

Binabaha ng kontrobersiya ang administrasyon dahil sa pagkakalantad ng korupsiyon sa likod ng mga ipinagmamalaki nitong flood control projects. Ani Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2024, ang pagtatayo ng flood control projects ang magiging solusyon sa problema ng La Niña sa bansa. ‘Yon naman pala, huthutan lang ng mga mandarambong, ng mga kontratista at kanilang mga padron. 

Sa isang iglap, ang ipinagmamalaking 5,500 flood control projects ni Marcos Jr. ay naging malaking kahihiyan ng kanyang pamumuno. Hindi niya mapagtakpan ang kapalpakan lalo sa mata ng mamamayang nalubog sa sunod-sunod na baha. Kahit ang mga pangunahing kalsada, hindi na naliligtas mula sa pagbaha kahit sandali lang ang buhos ng ulan. 

Nagpostura bigla bilang kontra-korupsiyonang rehimen. Sa huling State of the Nation Address, banggit ni Marcos Jr., mahiya naman daw ang mga nasa likod ng korupsiyon sa flood control projects.

Pagpasok ng Agosto, matapos ang pagpatay sa impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte, pinagulong naman ang imbestigasyon sa mga kurakot. Binuksan pa ang isang website para sa reklamo ng mamamayan at ipinag-utos pa nga ang lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno. Department of Public Works and Highways (DPWH) ang una sa roleta.

Nagkukumahog ngayon ang buong administrasyon para apulahin ang apoy na kanilang sinimulan. Pero hanggang saan kayang magpanagot ng isang pangulong nabuhay, nagpakasasa at niluklok muli ang sarili sa kapangyarihan gamit din ang nakaw na yaman ng kanyang pamilya? 

Ni singkong butas nga, walang kusang isinasauli ang pamilya Marcos mula sa kanilang bilyon-bilyong pisong nakaw na yaman. Hindi man lang nga nila inaako ang nakulimbat na yaman, kahit nasa P174 bilyon na ang nabawi ng Philippine Commission on Good Governance sa pagtatapos ng 2021. Sa katunayan, simula ng maupo muli sa puwesto, isa-isang ibinasura ng Sandiganbayan ang lima sa mga kasong sibil sa ill-gotten wealth ng pamilya Marcos at kanilang mga kroni.

Kung susumahin, nasa P2.7 bilyon ang pinakawalan ng Sandiganbayan, kasabay ng pag-absuwelto sa maraming kroni kagaya nina Danding Cojuangco, Lucio Tan at Alfredo Romualdez.

Ang magkakapatid na Imee, Bongbong at Irene din ang mga original “nepo baby.” Mga sinanay sa marangyang pamumuhay at magagarbong kasiyahan para umano maging ehemplo ng pag-asa para sa nagdarahop na mamamayang Pilipino.

Hanggang ngayon, kahit anong pagtatago sa publiko, sumisingaw ang walang kuwentang paglulustay ni Marcos Jr. para sa mga all-expense paid trip sa ibang bansa, panonood ng mga karera ng sasakyan, mamamahaling pag-renovate sa Palasyo ng Malacañang at Bahay Pangulo, at ang mga magagarbong pista tuwing may okasyon ang unang pamilya. 

Simula nang maupo muli sa puwesto nagpakasasa ito sa malaking confidential and intelligence funds (CIF), bagong mukha ng pork barrel ng mga politiko. Simula 2022, halos P30 bilyon ang kabuuang inilaan sa CIF, kung saan P13.5 bilyon, o halos kalahati ang napupunta sa Office of the President. 

Habang nakikipagtawaran ang mamamayang Pilipino na itaas ang pondo para sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan, si Marcos Jr. at ang kanyang opisina ay hindi man lang nakukuwestiyon sa paglustay ng pondo. Respeto umano ayon sa mga kaalyado, pagtakas sa pananagutan sa panig naman ng mga kritiko.

Si Marcos Jr. ang nagtatakda kung saan mapupunta ang pondo. Noong Hulyo 2024, halimbawa, ipinagmalaki niyang maglalaan ng P500 bilyon para sa sampung flood control projects na itatayo mula 2024 hanggang 2037. Ngayong 2026, sa kabila ng anomalya at imbestigasyon kuno sa korupsiyon, tumataginting na higit P1 trilyon ang nakalaan para sa imprastruktura at tumaas pa nga ang pondo para sa mga bogus na flood control.

Ngayong nasasandal ang rehimen sa laganap na korupsiyon, gumagawa ng mga paimbabaw na solusyon para pahupain ang nagbabagang galit ng mamamayan. Wala sa interes ni Marcos Jr. ang magpanagot ng kapwa kurakot.

Ginagamit lang ni Marcos Jr. ang badyet bilang instrumento ng konsolidasyon ng kanyang kapangyarihan. Tinitiyak ang katapatan ng kanyang mga alyado kapalit ang pagpayag sa pagsisingit ng kung ano-anong proyektong gatasan ng kulimbat. Habang ginagamit din ang badyet para gipitin ang sinumang magtatangkang bumangga sa kanya.

Kung mayroong mapupulot ang taumbayan sa mga rebelasyon ngayon, nailalantad kung gaano nanunuot sa gobyernong pinaghaharian ng mga dinastiya, panginoong maylupa at negosyante ang korupsiyon. Nagkukuntsabahan ang iba’t ibang sangay ng gobyerno para tiyakin ang mga kickback sa pondo. Sa ulo ng lahat ng ito, ang ehekutibo, ang pangulo. 

Tama lang magalit ang mamamayan sa mga kurakot at magnanakaw. Ang pagdungis sa mga tarangkahan ng mga opisina ng gobyerno o ng mga kasabwat na kontratista kagaya ni Sarah Discaya ay hindi hamak na mas katanggap-tanggap kaysa sa karahasang dinulot ng kanilang sistematikong korupsiyon.

Noon hanggang ngayon, ang pagpapanagot ay nasa kamay ng taumbayan, wala sa moro-moro ng mga buwaya sa Kongreso.