close
Talasalitaan

Remittance Tax


Sa bagong buwis na ipapataw ng administrasyon ni Donald Trump, pinangangambahan ang pagbulusok ng mga remittance.

Remittance Tax – Bahagi na ngayon sa One Big Beautiful Bill Act ng United States (US) na nilagdaan ni Pangulong Donald Trump na nagpapataw ng 1% na buwis sa ilang partikular na uri ng money transfer mula sa US.

Sa pagtaas ng mga kontrol sa deportasyon at migrasyon, nagpatupad ng bagong buwis ang administrasyong Trump sa mga remittance, salaping ipinapadala ng mga migrante sa kanilang mga pamilya sa ibang bansa na may bisa simula Enero 1, 2026.

Sinasaklaw ng buwis ang cash, mga tseke ng cashier, mga money order at anumang uri ng pisikal na pagbabayad. Sa bagong buwis na ito, pinangangambahan ang pagbulusok ng mga remittance.

Makakaapekto ang batas sa mga Pilipinong Amerikano at migranteng manggagawang Pilipino na regular na nagpapadala ng pera sa Pilipinas sa kanilang pamilya at nagbabayad sa pamamagitan ng cash, tseke at money order.

Lubha ring maaapektuhan ng remittance tax ang mga bansang India, Vietnam, China, at mga bansa sa Latin America at Caribbean tulad ng Guatemala, Dominican Republic at El Salvador.

May humigit-kumulang na 12 milyong migrante ang may hawak na green card ang nakatira sa US ayon sa pinakabagong mga pagtanya mula sa Office of Homeland Security Statistic, higit 10 milyong non-immigrant visa holder sa ulat ng Tanggapan ng Visa 2023 at 14 milyong hindi awtorisadong migrante ayon sa Pew Research Center noong 2023.

Mayroong ilang mga problema at epekto sa mga remittance, ngunit hindi ito iniisip ni Trump. Sa katunayan, nakabatay ang batas sa mga maling pagpapalagay, at ang pagbubuwis sa mga remittance ay malamang na hindi lang negatibong makakaapekto sa mga pamilyang tumatanggap sa kanila, kundi pati na rin sa ekonomiya ng US. Binabalewala din ng batas ang makabuluhang pang-ekonomiya, panlipunan at pangkulturang kontribusyon ng mga migrante sa US.

Buwisan ang mahirap! Ito yata ang nais pakahulugan ng One Big Beautiful Bill Act ni Trump. Para sa mga migranteng komunidad sa US, matinding karagdagan dagok ito sa kanila at mga naiwang pamilya sa kanilang bansang pinagmulan.

Malaki ang epekto ng batas na ito sa mga manggagawang Pilipino na hindi lang naghahanapbuhay para sa kanilang sarili kundi nagsusumikap din upang suportahan ang kanilang pamilya sa Pilipinas.

Kung ang mga migrante ay hindi makapagpadala ng mga remittance o bawasan ang kanilang halaga pinadadala, ang mga epekto na ito ay maaaring malagay sa panganib sa kanilang pamilya.

Tinatayang 4.6 milyong tao sa US ang kinilala bilang Pilipino noong 2023, ayon sa US Census Bureau. Ang mga Pilipinong Amerikano ang pangatlo sa pinakamalaking populasyonng Asyano sa US. Ang mga Pilipino ay bumubuo sa 17% ng kabuuang populasyon ng mga Asyano at ang nasa 7% mga Pilipino sa US ang nabubuhay sa kahirapan.

Malaki ang epekto ng 1% na buwis sa mga remittance na ipinataw ni Trump sa mga migrante sa US. Tiyak na makakabawas ito sa mga pamilyang Pilipino na umaasa sa mga remittance para mabayaran ang mga gastusin tulad ng pagkain, edukasyon, kalusugan at pabahay.

Hindi rin maitatanggi na ang padala ng mga migrante sa US sa kanilang pamilya ay siya rin nagsasalba sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas. Umabot ng $38.34 bilyon ang remittance noong 2024 ayonsa Bangko Sentral ng Pilipinas. Subalit hindi rin maitatanggi na ang bawat pagtaas ng kanilang remittance ay katumbas ng mas matinding sakripisyo, pang-aapi at pagsasamantala sa kanila.

Hahayaan na lang ba nina Ferdinand Marcos Jr. at Amb. Jose Manuel Romualdez ang 1% buwis na remittance ni Trump?