close
Muni at Suri

Sa labas ng espektakulo


Sa pagtakbo ng imbestigasyon sa mga komite sa Senado at Kamara, nagkaroon ng panibagong teleseryeng sinusubaybayan ang madla.

Nitong nagdaang linggo, ginimbal ang buong bansa ng serye ng mga exposé hinggil sa katiwalian sa flood control project at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Mula sa pag-uusisa sa praktika ng ilang mamamahayag sa panayam sa ilang kontratista, sa online lifestyle check sa mga “nepo baby” hanggang sa mga pandinig sa Senado at Kamara, nailantad ang limpak-limpak na “kickback” ng mga politikong nakikinabang sa tiwaling transaksiyon sa mga kontratista, habang nananatiling multo ang mga proyektong inaasahang kahit paano;y tutugon sa mga pinsala ng kalamidad na dinaranas ng sambayanan.

Sa pagtakbo ng imbestigasyon sa mga komite sa Senado at Kamara, nagkaroon ng panibagong teleseryeng sinusubaybayan ang madla.

Kapana-panabik ang paglalantad ng mga kawani ng DPWH at mga kontratista sa pagkakasangkot ng mga mambabatas gaya nina Sen. Joel Villanueva at Sen. Jinggoy Estrada sa anomalya. Nakaririmarim ang imahen ng mga perang nakahilera sa lamesa sa isang opisina, mula sa buwis ng sambayanan na ipinamumudmod sa iilan.

Sa isang banda, maituturing na bahagi ang mga pandinig ng mga pagtatangkang panagutin ang katiwalian sa gobyerno. Sa kabilang banda, matingkad din dito ang mga limitasyon ng mga institusyonal na mekanismong ito, lalo pa’t may mekanismo rin mismo sa mga sulok ng burukrasya upang hadlangan ang pagpapanagot sa mga nakaupo sa matataas na puwesto sa gobyerno.

Sa gayon, nauuwi ang mga pandinig bilang mga pagtatanghal, mga elemento ng media circus na naisasabog bilang sound bites at memes. May bisa ang popularisadong pagpapakete ng isyu lalo na sa social media upang maikalat sa publiko ang enerhiya ng galit at pagkondena sa mga nailalantad na katiwalian. 

Gayunpaman, nariyan din ang tendensiya ng saturasyon ng pampolitikang sensibilidad ng publiko. Nariyan ang panganib na malamon lamang sa larangan ng tinatawag na “media circus” ang anumang pagsusumikap na mapanagot ang mga tiwali.

Hindi nga ba’t kabisado na ng sambayanan ang mga kuwento ng katiwalian sa pamahaalan? Ano pa ba ang sorpresang maihahatid ng mga pagtatanghal na ito sa Kongreso?

Dito lumilitaw ang pangangailangang tiyakin ang konsolidado at organisadong pampolitikang pagkilos na lalampas sa mga parlamentaryong mekanismo.

Nitong nagdaang linggo, ipinakita ng halimbawa ng kilos-protesta sa compound ng mga Discaya sa Pasig City ang bisa ng pampolitikang mobilisasyon sa lansangan. Sa iba’t ibang panig ng mundo, panibagong pagtatanghal ng galit ng sambayanan ang isinasagawa sa Nepal at Indonesia upang panagutin ang naghaharing-uri.

Sa mga halimbawang ito, hindi mapasusubalian ang kahalagahan ng mga porma ng pagpapanagot na hindi maikukulong sa mga pandinig sa loob ng mga bulwagan na iilan lamang ang kalahok at nagpapasya.

Bahain natin ng ating alimpuyo ang mismong lansangang sinasalanta ng kalamidad ng katiwalian.