close

Tanggol-kalikasan, kinasuhan dahil sa protesta vs Discaya


Kinasuhan ng pulisya ang tanggol-kalikasang si Jonila Castro ng Kalikasan People’s Network for the Environment ng paglabag sa Batas Pambansa 880 dahil sa protesta sa Discaya compound sa Pasig City.

Pinadalhan ng subpoena ng Office of the City Prosecutor ng Pasig City si Jonila Castro, tagapagsalita ng Kalikasan People’s Network for the Environment, nitong Set. 19 kaugnay ng kasong paglabag sa Batas Pambansa 880 dahil sa isinagawang protesta ng grupo sa compound ng mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya noong Set. 4.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Kalikasan na mas pinili pa ng mga may kapangyarihan na harasin at takutin ang mga naglalantad ng katotohanan imbis na dinggin ang kanilang panawagan para sa katarungan.

“Kapag bilyong pondo ng publiko ang sinisimot at isinasadlak ang milyong Pilipino sa pagdurusa sa mga baha at kalamidad, makatarungan lang na magalit,” sabi ng grupo.

Ipinadala ang subpeona na may maling ispeling ng pangalan ni Castro sa tanggapan ng Bayan Muna Partylist sa Quezon City at pinangalanan bilang complainant si Police Capt. Ralph Santos.

Matatandaang pininturahan at binato ng putik ng mga grupong makakalikasan at mga biktima ng kalamidad ang Discaya compound sa Pasig City bilang protesta sa nabulgar na malawakang korupsiyon sa mga proyektong flood control ng gobyerno.

Ayon pa sa Kalikasan, ginagamit na naman ang Batas Pambansa 880 para ituring na krimen ang mga batayang karapatan. Patunay anila ito na mas takot pa sa mamamayan kaysa sa bagyo ang “bulok na sistema.”