close
Muni at Suri

Bloom Where You Are Planted


Matatas ang paninindigan ng dokumentaryo sa pagpapatuloy ng pag-asa sa gitna ng panganib ng surveillance, gawa-gawang kaso at pagpaslang.

Tatlong kuwento ng mga aktibista ang tinalakay ng dokumentaryong “Bloom Where You Are Planted” ng aktibistang direktor na si Noni Abao. Ipinalabas ito sa katatapos na Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. 

Maibibilang ang “Bloom Where You Are Planted” sa mga bagong dokumentaryong politikal—gaya ng “Alipato at Muog” ni JL Burgos, “Undefended” ni Jacob Hinanay at “Invisible Labor” ni Joanne Cesario—na naglalarawang-buhay sa mga aktibistang pinili ang paglilingkod sa kilusang masa sa gitna ng papatinding krisis panlipunan at panganib na inihahapag ng estado. 

Nakatutok ang dokumentaryo ni Abao kina Agnes Mesina, Amanda Echanis—kapwa biktima ng gawa-gawang kaso—at Randy Malayao, peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines na biktima ng extrajudicial killing.

Pawang nakaugat ang kasaysayan ng pagkilos ng tatlo sa Lambak ng Cagayan. Sa rehiyong ito, marahas ang panghihimasok ng mga korporasyon (gaya ng minahan) at mga armadong puwersa ng estado na nagkukuntsabahan sa pagsira sa kalikasan at pagkamkam sa lupain ng mamamayan.

Panoramiko ang kuha sa mayamang lupain, sa mga berdeng pananim at maging sa kabundukang kinayod na tila niyog ng mga minahan, inihahatid tayo sa sityo ng politikal na tunggalian na itinuring na tahanan din nina Agnes, Amanda at Randy. 

Sa bisa ng mga panayam at testimonya, mga larawan, tula at iba pang arkibong digital (kabilang na ang nakagigimbal na kuha sa tagpo ng pagpaslang kay Randy habang pauwi sa probinsiya), inilubid ng dokumentaryo ang kuwento ng tatlong aktibista sa marahas na kasaysayan ng kontra-insurhensiya sa panahon ng nominal na demokrasya, na lalo pang umigting sa pamamagitan ng whole-of-nation approach sa ilalim ni Duterte.

Inihapag ng dokumentaryo kung paanong binigyang-hugis ng sistematikong persekusyon ang paninindigan ng mga aktibista at maging ng mga nakapaligid sa kanilang pakikisangkot.

Sa kabila ng taglay na bigat ng tema, may gaan at pag-asang mababakas sa dokumentaryo dahil sa sensitibo at humanisadong lapit ng dokumentarista.

Nakikita natin ang pagiging palabiro ni Agnes at paglalambing sa anak na nagtapos ng kolehiyo, ang pagiging responsableng ina at anak, masigasig na makata at estudyante ni Amanda, at sa bisa ng kuwento ng kaibigan niya, ang mamamahayag na si Raymund Villanueva, ang angking talino at kasikhayan ni Randy.

Sa sensitibong paglalahad ng kuwentong-buhay ng mga aktibistang ito, napatitingkad kung paanong ang aktibismo ay nakaugat sa pundamental na katotohanan ng pagmamahal sa kapwa. Ang paglalatag ng mahigpit na ugnayan ng mga kagaya nina Agnes, Amanda at Randy sa kanilang kapwa ay isang matapang na pagbangga sa kontra-insurhensiyang diskurso ng aktibismo bilang terorismo.

Sa huli, matatas ang paninindigan ng dokumentaryo sa pagpapatuloy ng pag-asa sa gitna ng panganib ng surveillance, gawa-gawang kaso at pagpaslang.

Kagaya ng nasaksihan nating pagbaha ng tao sa mga lansangan sa iba’t ibang panig ng bansa bilang protesta sa katiwalian sa pamahalaan, tuloy-tuloy ang pagpupunla ng mga binhi ng paglaya sa lupaing pinagyayaman ng kasaysayan ng pakikibaka.