close
Muni at Suri

Magellan


Sa pagsasakasaysayan ng Kanluran, walang lugar ang alaala at tradisyon—maging ng ahensiya at kabayanihan—ng mga inaalipin.

May hinala ako na nagsimula ang pelikulang “Magellan” ni Lav Diaz sa isang kontrobersiyal na teorya—na si Lapu-Lapu ay isang mito na inimbento ni Raja Humabon, ang hari ng Cebu. Kagaya ng inaasahan, umani ang teoryang ito ng samu’t saring puna na nakatuon sa awtentisidad ng iba’t ibang salaysay gaya ng sa Italyanong nabigador na si Antonio Pigafetta na nagbanggit kay Lapu-Lapu.

Sa social media, ipinaskil naman ng iskolar na si Dr. Ramon Guillermo ang isang sipi sa kanyang sanaysay na “Lapulapu’s Kris and Panglima Awang’s First Circumnavigation of the World” kung saan inilugar niya ang pagbubura o paglimot kay Lapu-Lapu sa marahas na unibersalismo ng Kanluran/Europa. Sa pagsasakasaysayan ng Kanluran, walang lugar ang alaala at tradisyon—maging ng ahensiya at kabayanihan—ng mga inaalipin.

Inaasahan ang ganitong mga pag-uusisa kay Diaz lalo pa’t may malaking pundasyonal na katayuan si Lapu-Lapu bilang unang pigurang anti-kolonyal sa maagang yugto ng pananakop.

Sa isang antas, maaaring maanomalya na nga ang pagtutok ng pelikula kay Magellan na isa sa mga pasimuno ng pananakop. Laging may panganib ang pagtatampok sa isang anti-hero dahil maaaring lumundo ito sa humanisasyon maging sa mga antagonista ng kasaysayan. Maaari ring kumipot ang daigdig na inihahapag ng pelikula dahil nakaestruktura ito sa pananaw ng anti-hero.

Ngunit kagaya ng mga naunang epiko ni Diaz, ang pagtatampok sa anti-hero ay nakatuon upang siyasatin ang malalaking imprastruktura ng karahasan na iniinugan ng tauhan. Sa mga pelikulang gaya ng “Batang West Side” at “Kapag Wala Nang Mga Alon”, itinampok ang mga berdugo ng estado upang ilantad ang kalawang at pagkabulok ng kanilang kaluluwa na iniluwal ng sistemang kanilang pinaglingkuran. 

Sa “Magellan”, tumuon ang pelikula sa iba’t ibang dimensyon ng awtoritaryanismo ni Magellan sa kanilang kolonyal na ekspedisyon. Sa katauhan ni Magellan, sa kanyang manipulasyon sa mga kasama sa barko, sa kanyang walang pangingiming paggagawad ng dahas at pagtatanghal ng machismo, nasilip natin ang dahas ng pananakop.

Sa pagdako ni Magellan at ng kanyang mga kasama sa Mactan, umigting ang dahas mula sa pagsusunog ng mga anito hanggang sa aktuwal na pananakit at pagpaslang sa mga katutubo. Mula sa ganitong konteksto inilugar ang pag-iimbento ng mga katutubo kay Lapu-Lapu bilang radikal na pamamaraan ng panlalansi sa mga mananakop. Si Lapu-Lapu, sa gayon, ay naging kolektibong bunga ng paghihirayang anti-kolonyal.

Sentral sa ganitong maniobra ang presensiya ng katutubong tagasalin/alipin ni Magellan na sa huli ay inilantad bilang kasabwat ng mga katutubong gumapi sa mga Europeo. Ang pagtatapos ng pelikula sa paglalantad niya ng kanyang partisipasyon sa pagkakapaslang kay Magellan ay maaaring basahin, sa gayon, bilang isang akto ng pagbawi ng katutubo sa kuwento ng anti-kolonyal na pakikibaka. 

Sa huli, ibinubukas ng “Magellan” ang samu’t saring katanungan hinggil sa patuloy na pagbuo natin ng kasaysayan ng ating pagkabansa. 

Paano nga ba natin babasahin ang kasaysayan ng pakikibakang anti-kolonyal kung si Lapu-Lapu ay inihahapag bilang isang mito? Paano nga rin natin babasahin ang ganitong diskurso ng “Magellan” bilang kinatawan ng pelikulang Pilipino sa isang global na sirkulong kultural na nakahugis pa rin sa isang imperyal na pag-iral?