close
Talasalitaan

Interim release


Ang pagpapalaya ay maaaring sumailalim sa mga kondisyon, at ang detainee ay maaaring muling arestuhin kung ang mga kondisyong iyon ay nilabag o kung kinakailangan ng kaso.

Interim release o pansamantalang pagpapalaya – Sa internasyonal na batas sa pamamaraang kriminal, tumutukoy sa pagpapalaya sa isang akusado na pinigil ng isang internasyonal o internasyonal na kriminal na tribunal habang hinihintay ng akusado ang pagtatapos ng kanilang kaso.

Ang pagpapalaya ay maaaring sumailalim sa mga kondisyon, at ang detainee ay maaaring muling arestuhin kung ang mga kondisyong iyon ay nilabag o kung kinakailangan ng kaso.

Sa kaso ni dating Pangulo Rodrigo Duterte, nagpetisyon siya sa International Criminal Court (ICC) na palayain siya sa isang natukoy na bansa batay sa humanitarian considerations dahil sa kanyang katandaan at hindi tatakas o gumawa ng anumang karagdagang krimen.

Ibinasura ng mga husgado ng ICC Pre-Trial Chamber 1 ang petisyon ni Duterte para sa interim release o pansamantalang pagpalaya, ayon sa mga dokumento ng korte na isinapubliko.

Base sa desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I na inilabas noong Oktubre 23, nanindigan sila na awtorisado silang ituloy ang kaso laban sa dating pangulo dahil malaki ang potensiyal na takasan niya ang hustisya at pagbantaan ang mga saksi lalo’t nananatiling makapangyarihan ang kanyang pamilya sa Pilipinas. 

Tinukoy din ng desisyon ng ICC ang impluwensiyang pampolitika ni Duterte na nananatiling malakas dahil sa posisyon ng kanyang pamilya.

Binanggit din sa desisyon ng ICC ang mga pampublikong pahayag ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na nagyabang at sinabi sa mga tagasuporta noong Hulyo na itatakas ang ama at patuloy na nanindigan na kinidnap ang ama kaya nadala sa The Hague, Netherlands at akusasyong pagsasabwatan ng ICC at ng gobyerno sa Pilipinas.

Ang patuloy na pagkulong ni Duterte ay “nananatiling kailangan,” sabi ng ICC.

Si Duterte ay inaresto at inilipad sa Netherland noong Marso sa mga kasong krimen laban sa sangkatauhan para sa mga extrajudicial killing na ginawa sa panahon ng kanyang marahas na giyera kontra droga, kung saan libu-libong ‘di umano’y nagbebenta at gumagamit ng ilegal na droga ang pinaslang. 

Kasalukuyang pinangangasiwaan ni ICC deputy prosecutor Mame Mandiaye Niang ang kaso laban kay Duterte matapos kusang sumantabi ICC chief prosecutor si Karim Khan para sa imbestigasyon sa umano’y sexual misconduct.

Sa isang desisyon na inilabas noong Oktubre, nagpasya ang ICC Pre-Trial Chamber I na may hurisdiksyon ito sa mga krimen kung saan inaresto si Duterte, kahit na ang Pilipinas, sa ilalim ng kanyang pagkapangulo, ay bumaklas mula sa ICC.

Noong 2018, inalis ni Duterte ang Pilipinas sa Rome Statute, ang internasyonal na kasunduang lumikha sa ICC, sa pag-asang hindi na maimbistigahan ang kanyang gobyerno para sa mga pagpatay sa ilalim ng kanyang bigong giyera kontra droga. Paulit-ulit din niyang kinukutya ang mga tagausig ng ICC, at minsa’y humarap sa Kongreso na tinutuya ang korte na agad siyang arestuhin.

Sinabi ng ICC na mayroon pa rin itong hurisdiksyon para sa mga krimen na ‘di umano’y ginawa bago umatras ang Pilipinas sa batas na nagkabisa noong 2019. Sinasabi ng mga tanggol-karapatan at mga pamilya ng mga namatay na dinala nila ang kaso sa ICC dahil naniniwala silang hindi nila makakakuha ng hustisya sa mga korte sa Pilipinas, isang argumento na lumilitaw na kinatigan ng ICC nang maglabas ito ng warrant para sa pag-aresto kay Duterte.

Ayon kay ICC assistant to counsel Maria Kristina Conti, na kumakatawan sa mga biktima, ay nagsabi na ang kanyang mga kliyente ay tinutulan ang pansamantalang pagpapalaya ni Duterte.

Sa loob ng anim na taon niyang panunungkulan, 6,200 ang napatay sa anti-drug operations, ayon sa datos ng gobyerno. Sinasabi ng grupong bantay-karapatang pantao na ang aktwal na bilang ay mas malaki pa na tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000.

Ikinatuwa ng mga pamilya ng mga biktima ng mga extrajudicial killing ang pagbasura ng ICC Pre-Trial Chamber I sa hiling na pansamantalang paglaya ni Duterte.

Matagal nang hinahangad ng mga pamilyang naulila ang hustisya na ipinagkait sa kanila ni Duterte. Panahon na para ang mga biktima na magsumite ng kanilang ebidensiya at mga kuwento kung paano walang awa at brutal na pinaslang ang kanilang mga mahal sa buhay.

Umaasa ang mga pamilya ng mga biktima ng mga extrajudicial killing na makakamit na nila ang hustiya ngayong lilitisin na ng ICC si Duterte.