close

How dip is your love?


Ang dip ay isang appetizer na puwede panimula sa handaan na madalas kapares ng chips, crackers, pita bread, sariwang gulay o pritong karne.

Sa panahon ngayon, tila walang katapusan ang mga pagtitipon. Mula sa simpleng meryenda sa hapon hanggang sa malalaking handaan sa gabi. At sa dami ng kailangan asikasuhin, malaking tulong ang pagkakaroon ng mga pagkaing mabilis ihanda, madaling dalhin, at siguradong patok sa panlasa ng bawat makakasama sa handaan.

Ang kagandahan sa resipi na ito, hindi kailangan magmadali o mabahala sa oras. Maaari itong gawin bago ang araw ng salo-salo at ilagay na sa ref. 

Ang dip ay isang appetizer na puwede panimula sa handaan. Madalas itong kapares ng chips, crackers, pita bread, sariwang gulay o pritong karne ng isda o manok. Nagbibigay din ito ng kakaibang lasa at nagiging mas exciting ang pagkain lalo na’t puwedeng may alat, tamis, asim, anghang o creamy ‘pag gumawa ng dip.

Sa pag-imbak ng dip ang kadalasan tumatagal ng  lima hanggang 10 araw kung ito ay nakalagay lang sa malamig na bahagi ng refrigerator, ‘pag sa freezer naman ay maaaring tumagal ng isang buwan.

Tandaan pa rin depende sa gamit na sangkap ang katagalan ng dip. Katulad ng sariwang kamatis, sibuyas o avocado dahil ito ay mga madaling masira kaya maiksi ang buhay nito. Pero may mga sangkap na maaring kombinasyon na tunay na tumatagal at hindi nagsasakripisyo ang lasa.

Simulan na natin ang paggawa!

Ang salsa ay isa sa nakakapresko at maraming puwedeng paggamitan na dip. Bagay ito sa chips,tacos, inihaw na karne at seafood. Ito rin ay kilalang tradisyonal na bahagi ng Mexican cuisine. Dahil ito’y may sariwang kamatis at sibuyas, tumatagal ito nang isa hanggang tatlong araw sa ref.

  • 3-4 hinog na kamatis, hiniwa sa maliliit na parisukat
  • 1 pulang sibuyas, hiniwa sa maliliit na parisukat
  • 1-2 siling labuyo 
  • 1 kalamansi o kalahating lemon 
  • 1 maliit na pangkat cilantro o wansoy na hininiwa
  • Asin at paminta
  • 1-2 tbsp olive oil (optional pero mas nagpapasarap)
  1. Sa isang mangkok, pagsamahin ang kamatis, sibuyas at sili. Haluing maigi.
  2. Idagdag ang cilantro o wansoy.
  3. Pigaan ng kalamansi o lemon, tantiyahin hanggang makuha ang gustong asim.
  4. Ibuhos ang kaunting olive oil para maging mas malinamnam.
  5. Lagyan ng asin at paminta, haluin at tikman ayon sa panlasa.

Isang dip na may Pinoy twist, creamy at may smoky na lasa mula sa tinapa. Mainam na kombinasyon sa crackers, toasted bread o pita bread at pati sa pasta kung gusto itong gawin sauce. Tumatagal ito ng tatlo hanggang limang araw na nakalagay sa airtight na lagayan. Sa freezer naman ay maaaring tumagal ng isa hanggang dalawang linggo.

  • 1 tasa ng cream cheese na room temperature
  • ½ tasa ng mayonnaise
  • 1 tasa ng tinapang isda, hinimay at wala ng tinik
  • 2 kutsarang kalamansi o lemon juice
  • 2 piraso ng pinong bawang
  • 1 kutsaritang cumin powder
  • 1 kutsaritang paprika
  • ½ kutsaritang cayenne powder
  • Asin at paminta ayon sa panlasa
  1. Sa isang mangkok, ilagay ang cream cheese, mayonnaise, haluin hanggang maging creamy ito.
  2. Ilagay ang hinimay na tinapa. Lagyan ng kalamansi o lemon juice, bawang at dried spices.
  3. Haluing maigi at tikman. Lagyan ng paminta at asin hanggang makuha ang nais na lasa.
  4. Kapag natapos, ilipat sa isang malinis na lagayan at palamigin ng 15 hanggang 30 minuto bago ihain para mas humalo ang lasa.
  5. Maaari ring lagyan ng spring oinion bago ito ihain bilang dagdag na lasa at garnish.

Ito’y isang dip na walang kupas at maaari din maging palaman sa tinapay. Malinamnam, cheesy at may kaunting tamis at anghang mula sa pimiento. Maaari itong ipalaman sa tinapay, crackers o chips. Kung walang makitang pimiento, maaari ring gumamit ng inihaw na red bell pepper. Mas iba lag ang tamis pero halos pareho ang effect sa resipi na ito. Tumatagal ito ng lima hanggang pitong araw sa ref basta’t nasa garapon ito o airtight na lagayan.

  • 2 tasang grated cheese o anumang processed cheese
  • ½ tasang mayonnaise
  • ¼ tasang all-purpose cream para sa mas creamy na lasa
  • ½ tasang pimiento na hiniwa ng maliliit (maaari ring gumamit ng nasa bote na pimiento)
  • 1 kutsarang butter na room temperature
  • 1-2 kutsaritang asukal pandagdag lasa
  • Asin at paminta
  1. Sa isang mangkok, pagsamahin ang butter, cream at mayonnaise. Haluin hanggang maging creamy at magpantay ang texture.
  2. Idagdag ang grated cheese at haluing mabuti.
  3. Idagdag ang pimiento. Haluing mabuti hanggang kumalat ang kulay at lasa nito.
  4. Kapag nahalo na ang mga sangkap, lagyan ng asukal, asin at durog na paminta hanggang makuha ang gustong lasa.
  5. Ilagay sa isang garapon at palamiogin ng 15 hanggang 30 minuto upang mas lumabas ang lasa.

Tandaan na marami pang mga sangkap ang maaaring pagsamahin at pag-isipan na gawing dip. Hindi naman kailangan ay mahinto lang sa ganito. Maaari pa ring mag-eksperimento ng mga sangkap mula sa mga madali mabili sa grocery at palengke.