Impunity o Kawalang Pananagutan
Sa mga bansang talamak ang katiwalian tulad ng Pilipinas, nakakatakas ang mga opisyal sa mga negatibong bunga ng paglabag sa batas. Ang ilang mga opisyal, nagawa pang makalusot sa malawakang pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
Impunity o Kawalang Pananagutan – tumutukoy sa pag-aalis ng parusa o kawalang parusa para sa pagkakasangkot sa isang ilegal na aktibidad tulad ng pandaraya, maling pag-uugali o abuso sa kapangyarihan.
Sa mga bansang talamak ang katiwalian tulad ng Pilipinas, nakakatakas ang mga opisyal sa mga negatibong bunga ng paglabag sa batas. Ang ilang mga opisyal, nagawa pang makalusot sa malawakang pagpatay at iba pang paglabag sa karapatang pantao.
Ngayon, tuloy ang mga pagpatay sa giyera kontra droga sa kabila ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na magkaroon ng digmaan laban sa droga na walang dugo.
Sinusubaybayan ng Dahas Project, inisyatiba ng Third World Studies Center ng University of the Philippines, ang mga naiulat na pagpatay na may kaugnayan sa droga sa bansa. Ayon sa pinakahuling tala noong Dis. 31, 2025, nasa 1,144 na indibidwal ang naiulat na napatay mula noong Hulyo 2022.
Ang kawalan ng parusa sa mga pagpatay ay patunay na baluktot ang mga pahayag ni Marcos Jr. na mas maayos ang administrasyon niya kaysa sa nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang patuloy na kawalan ng tugon ng administrasyong Marcos Jr. at ang pagkabigo na wakasan at tiyakin ang pananagutan para sa mga extrajudicial killing, ay tunay na nagtataksil sa mga pahayag ng gobyerno tungkol sa isang pinabuting sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.
Sa ulat din ng grupong Karapatan, 14 na katao ang sapilitang nawala sa ilalim ni Marcos Jr. na may apat na bagong kaso noong 2024. Ang huling mga biktima ay sina James Jimenez, kapatid ng isang pinuno ng kilusang komunista, at ang kanyang kaibigang si Felix Salaveria Jr., na naiulat na dinukot sa Tabaco City, Albay noong Agosto 2024.
Ang mga biktima ng sapilitang pagkawala ay kadalasang mga aktibista, kabilang ang mga tagapagtaguyod ng karapatan sa lupa at kapaligiran. Wala pang napapanagot sa karahasan sa kanila.
Mariing namang kinokondena ng International Coalition for Human Rights in the Philippines ang walang awang pagpatay sa lider-magsasaka na si Warlita Jimenez sa Kabankalan City, Negros Occidental noong Dis. 23, 2025. Pinaghihinalaan ng mga lokal na grupo ng karapatang pantao na ang 15th Infantry Battalion ng Philippine Army (IBPA) ang responsable sa pagpaslang.
Ang Pilipinas din ay nananatiling isa sa mga pinakabulnelabreng lugar sa mundo para sa mga mamamahayag. Binaril ang komentarista sa radyo na si Percival Mabasa sa Las Piñas City noong Okt. 2, 2022. Inaresto ng pulisya noong Abril 2025 ang mga suspek sa pagpatay noong Nob. 5, 2023 sa radio broadcaster sa Misamis Occidental na si Juan Jumalonn na binaril habang umeere nang live. Pinatay din ang tanggol-karapatan at radio broadcaster na si Ali Macalintal matapos pagbabarilin sa loob ng isang spa sa Gen. Santos City noong Hun. 23, 2025.
Kinondena ng Amnesty International Philippines ang serye ng mga marahas na atake laban sa mga tanggol-karapatan sa Mindanao, kabilang na noong araw na sinabi ni Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address na patuloy na sinusunod ng Pilipinas ang mga obligasyon nito sa ilalim ng internasyonal na batas ng karapatang pantao.
Mayroong malinaw na padron na ang mga tanggol-karapatan sa Mindanao—lalo na ang mga nagtatrabaho sa mga alternatibong grupo ng batas, mga organisasyon ng mamamayan kabilang ang mga grupo sa lupa at kapaligiran, at ang media—ay sistematikong tinatarget hanggang walang pananagutan ng estado.
Noong Hul. 28, 2025, ilang oras lang matapos ang talumpati ni Marcos Jr, ang tanggol-karapatan at paralegal na si Warren Cahayag ay binaril nang maraming beses at malubhang nasugatan ng dalawang hindi nakikilalang indibidwal sa Gen. Santos City. Bago ito, sa Davao Oriental, ang mga tanggol-kalikasan na sina Rico Gonzaga Malubay at Rodolfo dela Cruz Espe ay binaril at pinatay ng nag-iisang salarin noong Hul. 26, 2025.
Nanawagan ang Amnesty International Philippines para sa isang masusi, walang kinikilingan at kapani-paniwalang imbestigasyon sa pag-atake kay Cahayag at sa pagpatay kina Malubay at Espe, at iba pang mga kaso ng karahasan na tumatarget sa mga nagtatanggol sa karapatang pantao.
Dapat tingnan ng “super body” ng karapatang pantao ang sitwasyon mula sa mas malawak na pananaw, kabilang ang pakikilahok ng estado, ang patuloy na pagkabigong protektahan ang mga tagapagtanggol at ang kakulangan ng mga mekanismo ng pananagutan.”
Hinihimok pa ng Amnesty International Philippines ang bagong Kongreso na ipasa ang Human Rights Defenders Protection Bill, bawasan ang pondo at suportahan ang panawagan para sa pag-aalis ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), ipawalang-bisa o baguhin nang malaki ang Anti-Terrorism Act at ang Terrorism Financing Prevention and Suppression Act na ginagamit laban sa mga tagapagtanggol at iba pang grupong kritikal sa gobyerno.
Walang buhay ang dapat sayangin. Hindi dapat ipagpaliban ang proteksiyon ng mga aktibista, tanggol-karapatan, at iba pang kritiko ng gobyerno at mga target na grupo mula sa red-tagging, panliligalig at pagpatay.”
Mabagal na hustisya at wala pang pananagutan sa ilalim ng pamahalaan ni Marcos Jr.
Sa kabila ng mga balakid, hindi natitinag ang mga tanggol-karapatan. Ang bawat hakbang pasulong, gaano man kahirap makamit, ay nagpapatibay sa katotohanan na ang hustisya ay makakatam natin, kung tayo ay magkakaisa.
Ang mga tagumpay para sa hinaharap ay nagpapakita na ang tinig ng sambayanan ay hindi maaaring patahimikin, at ang kahilingan para sa hustisya ay hindi itatanggi. Wawakasan ang impunity sa bansa at parusahan ang lahat ng nagkasala.