close
Pop Off, Teh!

Walang pangalan sa email


Nang mabalitaan ko na ikaw ay pinaslang, matagal akong nakatulala bago bumangon nang umagang iyon.

Hindi na tayo nagkaroon ng pagkakataong magkakilala. Ni hindi ko nakita ang pangalan mo sa kahit anong email sa akin. Walang bakas ng submission o paglahok sa anumang aktibidad sa klase. Hindi kita naging estudyante.

Nang mabalitaan ko na ikaw ay pinaslang, matagal akong nakatulala bago bumangon nang umagang iyon. Dati-rati, kapag may ganitong balita, sumusugod agad ako kasama ng iba pang kasama. Quick reaction team (QRT), sa lengguwahe ng gawain sa karapatang pantao.

Ngunit noong araw na iyon, tumunganga lang ako nang ilang minuto. Ang sabi kasi ng kausap ko, estudyante ka namin. Nakapagtataka pa nga, tinawag kang faculty o titser dahil hindi nag-isip ang mga nakakita ng ID mo.

Mahirap ang tinahak mong landas. Hindi ito pangkaraniwan. Sa mundong ang inaasahan sa mga iskolar ng bayan ay magkaroon ng trabaho sa opisinang de-air con at komportableng buhay, pinili mong mamuhay kasama ng mga magsasaka, tumulong sa kanilang gawain, at palakasin ang kanilang kilusan tungo sa tunay na reporma sa lupa. Makes sense kung bakit hindi ka naging aktibo sa anumang organisasyon sa loob ng unibersidad.

Hindi naman bago ang mga ganitong pangyayari. Bahagi ito ng pagtahak sa gawaing may kaakibat na banta, pananakot at dahas. Malupit ang sistema para sa mga magsasaka, manggagawa at maging sa mga kabataan. Ang sistemang pinaghaharian ng iilan ang siyang nagtulak sa iyo, kasama ng iba pang kabataan, na tahakin ang landas na naiiba. Isang paglihis sa tipikal na buhay ng petiburgesya.

Bata ka pa, sabi nila. Sayang daw. Marami ka pang pangarap, marami pang puwedeng gawin, marami pang puwedeng baguhin. Ngunit napaikli ang iyong buhay dahil sa iyong pagkakapaslang. Isang buhay na inalay, isang sakripisyo.

Paano na kapag natapos na ang mga parangal? Sana’y patuloy kang maalala at manatiling buhay sa puso ng mga taong nakakakilala sa iyo, maging sa tulad kong naantig ng iyong buhay. Dahil hindi lang naman sa mga parangal dapat nabubuhay ang alaala. Hindi ba’t dapat nagbibigay ito ng mga aral upang panghawakan ang optimismo sa gitna ng marahas na kalagayan?

Wala kang pangalan sa email. Hindi tulad ng mga kaklase mong madalas makita sa email at sa mga aktibidad sa online na komunidad. Hindi tulad ng mga kaklase mong minsan ay nalulunod sa maliliit na alalahanin at personal na pagkabigo. Hindi tulad ng mga kaklase mong bukambibig ang masa. Kinakailangan pa nilang isabuhay ang prinsipyo at komitment at hamigin ang mga kaklaseng magkaisa at isulong ang mga pakikibang may tunay na saysay.

Hindi dapat kita ikinokompara sa kanila. Ngunit minsan, gusto kong ibulong sa hangin na sana’y gabayan mo sila. Sana’y pandayin ng alaala mo ang kanilang talas upang maiangat ito sa mga pakikibakang may tunay na saysay. Nawa’y bigyan mo sila ng lakas at tapang upang harapin ang mga hamon at ilaan ang kanilang panahon, talino at husay para sa kabutihan.

Wala kang pangalan sa email, ngunit hindi ibig sabihin noon ay hindi ka bahagi ng komunidad. Sana’y nakita mo kung gaano ka kasuportado ng ating unibersidad. Higit pa sa bulaklak at mumunting tulong, nagluksa ang buong pamantasan. Dumalo sila sa iyong parangal, kinilala at ipinagdiwang ang iyong buhay at sakripisyo.

Hindi man iyon sasapat, dahil sa iyong danas ay napilitan kaming maglimi. Nababatid naming ang iyong gawain, ang iyong buhay, at ang iyong sakripisyo ay hindi dapat maisantabi. Sa halip, dapat itong manatiling nag-aalab sa aming mga damdamin.

Wala kang pangalan sa email, subalit buhay ka. Buhay na buhay sa aming gunita.