Palalimin ang imbestigasyon sa ‘Himamaylan Massacre’–human rights groups

June 30, 2023

Larawan mula sa PNP Himamaylan.

Nanawagan ang Movement Against Tyranny (MAT), Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA), Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), Promotion of Church People’s Response (PCPR) at Gabriela na magsagawa ng mas malinaw na imbestigasyon ang pulisya matapos isiwalat diumano na kabilang sa New People’s Army (NPA) ang salarin sa pagpatay sa pamilya Fausto sa Himamaylan City, Negros Occidental nitong Hunyo 14.

Batay sa imbestigasyon ni Prosecutor Flosemer Gonzalez nitong Hunyo 22, mga NPA ang nasa likod ng pagmasaker sa apat na miyembro ng pamilya Fausto na sina Rolly, Emilda at dalawa nitong anak sa kanilang bahay.

Pero hindi nasapatan sa resulta ang MAT at bumuo ng isang National Solidarity Mission (NSM) na nagsagawa ng fact-finding mission sa lugar noong Hunyo 23.

Hindi man nagkaroon ng pagkakataon na makausap ng independent fact-finding team ang ilang miyembro ng pamilya Fausto dahil nasa proteksyon ng pribadong grupo, nakakuha naman sila ng panayam tungkol sa nangyaring pagpatay sa isa pang magsasakang pinaratangang miyembro rin ng NPA na si Crispin Tingal Jr.

Bago pa man mangyari ang masaker sa pamilya Fausto, naunang maging biktima si Tingal kabilang ang kanyang pamilya sa Sitio Dangalon, Brgy. Hilamonan sa Kabankalan City.

Kabilang si Tingal sa Dangalon Farmer and Farmworkers Association na siyang caretaker ng bahay at nakatanggap din ito ng Certificate of Land Ownership Award noong 2018. 

Paparaming biktima?

Binansagang parehong miyembro ng NPA ang dalawang magsasakang sina Tingal at Rolly bago ang walang habas na pagpatay.

Pero itinanggi naman ito ng asawa ni Tingal na si Dolly. Aniya isang simpleng magsasaka at responsableng ama ang kanyang kabiyak sa pito nilang anak.

Noon pa man, biktima na ang pamilya Tingal ng illegal search, forcible entry at pagkukuwestiyon ng militar sa sarili nilang tahanan. Ayon raw sa isang military asset, mayroong miyembro ng NPA na naninirahan sa kanilang lugar.

Pauwi na si Tingal sa kanilang tahanan noong Mayo 23 matapos dumalo sa isang catfish seminar ng Kabankalan City Agriculture Office nang mangyari ang pagpaslang sa kanya.

Sinubukan ding puntiryahin ang ilang miyembro ng pamilya nito kabilang na ang isa sa mga anak na nakaligtas.

Misyon ng katotohanan

Nagsumbong sa NSM ang ilang mamamayan ng Negros hinggil sa nagpapatuloy na paglabag sa mga karapatang pantao.

Sa pagdalas ng operasyong militar, nakapagtala ang NSM ng tatlong insidente ng iligal na pag-aresto, tatlong insidente ng frustrated killing, iba pang kaso ng pagdakip, pagbabanta, intimidasyon, harrassment, violation of domicile, pagsira ng kabuhayan ng mga tao, use of public space for military purpose, endangerment of civilian populace, red-tagging, pag-atake sa eskwelahan at marami pang iba.