NPA sa mga dating miyembro: Maglingkod sa masa

July 4, 2023

Hinikayat ng New People’s Army (NPA) ang mga dati nitong miyembro na magpatuloy sa pagsisilbi sa taumbayan, kasunod ng napaulat na serye ng umano’y pagsuko ng ilang miyembro nito.

Sa isang pahayag, sinabi ng NPA Central Luzon-Josepino Corpuz Command na nirerespeto nito ang anumang naging pagkakaiba sa paniniwalang politikal. Nang dahil sa iba’t ibang sirkumstansiya, itinuturing ng gobyerno bilang mga “nagbalik-loob” ang ibang nilang dating kasamahan.

Banggit pa ng NPA, ilan sa kanilang mga miyembro at kanilang pamilya ang ginipit at pinagbantaan ng estado para sapilitang sumuko.

Handa naman ang NPA na tanggapin ang mga miyembro nitong “nag-Cafgu [Citizen Armed Forces Geographical Unit], nagamit o nagpagamit sa estado sa operasyong saywar, kombat o paniktik laban sa mamamayan.”

Matatandaang nilitaw bilang “surrenderees” ng 5th Infantry Division ng Philippine Army sa isang Zoom conference ang mga kabataang aktibistang sina Patricia Cierva at Cedrick Casaño sa Cagayan noong Hunyo 5.

Ipinalabas naman sa SMNI, estasyong kilala sa panre-red-tag, ang panayam kina Charlotte Velasco at Orion Yoshida, na sinasalaysay ang umano’y di pagkakaunawaan sa iba pang kasamahan sa NPA.

Nang tanungin si Yoshida kung tuluyan na bang matitigil ang pagsampa ng mamamayan sa armadong rebolusyon, sagot niya’y matatapos lang ito kapag natugunan ang ugat ng problema ng malawak na mamamayan sa kahirapan. 

Kinondena naman ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pagpresenta kina Cierva at Casaño bilang rebelde, na nakaranas umano ng torture sa ilalim ng militar, bukod sa iligal na pagkabilanggo sa higit 15 araw nilang pagkawala.