Bilang ng bilanggong politikal, umabot na sa 778

July 2, 2023

Pangunahing panawagan ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) sa isang pagtitipon sa Bantayong ng mga Bayani sa Quezon City nitong Hunyo 29 ang pagpapalaya sa mga bilanggong politikal. Larawan ni Junneth Dela Cruz.

Sa sunod-sunod ang mga insidente pag-aresto sa ilalim ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr., tinatayang nasa 778 ang bilang ng bilanggong politikal na nakapiit sa iba’t ibang parte ng bansa. Nasa 49 naman ang dinakip sa kasalukuyang administrasyon.

Pangunahing panawagan ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (Selda) sa isang pagtitipon sa Bantayong ng mga Bayani sa Quezon City nitong Hunyo 29 ang pagpapalaya sa mga bilanggong politikal.

Ipinahayag ng mga kaanak ng mga bilanggong politikal tulad ni Ron De Vera, anak ni Adora Faye De Vera na dalawang beses nakulong sa rehimeng Marcos Sr. at muling nakulong sa ilalim ni Marcos Jr., ang kanilang panawagan na palayain na ang kanilang mga mahal sa buhay na dinakip dahil sa mga gawa-gawang kaso.

Nanawagan din si Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chairperson Danilo Ramos na palatain ang mga kapwa magsasaka at organisador na nakapiit tulad nina Isabelo ‘Ka Buting’ Adviento, Amanda Echanis, Karina Dela Cerna at ang mga magulang ni Dela Cerna.

Si Adviento ay lider-magsasaka ng Danggayan-Cagayan Valley, Kagimungan at Anakpawis Partylist, sii Echanis ay isang manunulat at organisador ng kababaihang magbubukid na hinuli kasama ang isang buwang anak na lalaki at Dela Cerna naman ay deputy secretary general ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth (NNARA-Youth) na kabilang sa mga inaresto sa Bacolod City noong Oktubre 2019.

Nahaharap sina Adviento at Echanis sa kaso na illegal possession of firearms, ammunitions and explosives. Human trafficking naman ang isinampa laban kay Karina at sa kaniyang mga magulang.

“Magsasaka kami, hindi kami terorista,” ani Ramos.

Kinasuhan din si Juan Alexander “Bob” Reyes, isa sa Courage 5, ng parehong kaso kina Adviento at Echanis noong Hunyo, 2018. Dinakip si Bob sa kaso niya sa Mindanao na ayon sa asawa na si Meri Reyes.

“Iyon pong lugar na ‘yon ay ‘di pa niya napuntahan ni minsan,” giit ng asawa ni Reyes.

Patuloy pa ring nananawagan at nagsisikap ang Selda, kasama ang iba pang mga progresibong grupo, na palakasin ang kampanya para sa hustisya, karapatan at pagpapalaya ng mga bilanggong politikal mula noon hanggang sa kasalukuyan.

Dumalo rin ang mga dating bilanggong politikal sa nasabing pagtitipon kagaya nina Judy Taguiwalo, Bonifacio Ilagan, Elisa Lubi at Satur Ocampo.

Nagbigay din ng pahayag at kanilang karanasan sina Julie De Lima ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at NDFP senior adviser Luis Jalandoni.