Pamilya ng 2 nawawalang aktibista, naghain ng habeas corpus
July 10, 2023
Naghain ng petisyon para sa writ of habeas corpus ang pamilya nina Bazoo De Jesus at Dexter Capuyan sa Court of Appeals upang hilingin na ilitaw na ang dalawang nawawalang aktibista.
Kasama nina Idda De Jesus at Eli Capuyan sa Court of Appeals sa Maynila noong Hulyo 5 ang mga tagasuporta mula sa mga grupong nagsusulong ng karapatan ng mga katutubo.
“Patuloy pa rin kaming nanawagan sa mga kinauukulan. Kung totoo man ang mga paratang at kung may mabigat man silang pagkakasala ay iharap sila sa hukuman,” sabi ng kapatid ni De Jesus.
Isang ligal na paraan ang writ of habeas corpus para iharap sa korte ang sinomang taong nawawala o pinaghihinalaang dinukot at nasa kamay ng sinoman, maging ang nasa awtoridad.
Sa pahayag ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) noong Mayo, sinabi nilang nawawala sina De Jesus at Capuyan matapos mawalan ng ugnay sa kanilang mga kamag-anak at kasamahan noong Abril 28. Pinaghihinalaang nilang dinukot ng mga militar ang dalawa sa Taytay, Rizal.
Dagdag pa ng grupo, inakusahan ng militar si Capuyan, 56 taong gulang, na isang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cordillera.
Ayon kay Eli Capuyan, kapatid ni Dexter, nagtungo na sila sa iba’t ibang opisina at kampo ng militar at pulisya para hanapin ang dalawa.
“Karamihan sa kanila ay hindi pumirma sa desap form, itong mga institusyon na pinuntahan namin na sila dapat ‘yong mga nangunguna sa pagprotekta sa karapatan ng mga mamamayan ay hindi po sumusunod sa batas,” wika ni Capuyan.
Sa paghahanap ng hustisya kina De Jesus at Capuyan, nananatili pa ring iisa ang sigaw ng mga kaanak at kasamahan ng mga ito, “Surface Bazoo, Surface Dexter!”