Dekanong Makabayan

Ninoy Aquino, pagpapasya’t sakripisyo

August 22, 2023

Apatnapu’t taon na ang nakalipas simula nang makitang patay sa tarmak ng Manila International Airport si Ninoy Aquino. Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit pinalitan ang pangalan at naging Ninoy Aquino International Airport. Isipin mo, dagat-dagatang dilaw na nag-aantay sa pagbalik ng kanilang bayani. Tila isa sa mga klasikong epiko natin sa Pilipinas. Kaya naman iba ang bigat nang marinig ng lahat ang pagputok ng baril.

Talagang mabigat dahil noong pinatay si Ninoy, halos dalawang dekada na tayong nasa ilalim ng diktadura. Kapag napapaligiran ka ng lagim at nakakita ka ng kahit kakaunting liwanag, nagiging mas masakit ang pagnakaw sa liwanag na iyon.

Hindi ako siguradong may masasabi pa akong bago tungkol kay Ninoy Aquino. Sa katotohanan, tipikal siyang overachiever mula sa kilala at may-lupang pamilya sa Tarlac—naging pinakabatang mayor, vice governor, governor at senador. Nasa eksena na siya ng politika sa edad na 22. Kung iisipin, mayaman sila kaya’t maaari siyang tumahak noon sa mas ligtas na landas kung nanaisin niya. Pwede siyang magpasiyang maging tahimik sa kabila ng karahasan. Pwede siyang magpasyang hindi pumunta sa Pilipinas at patuloy na maging komportable sa ibang bansa.

Gayunpaman, kilala si Ninoy bilang matinding kritiko ni Ferdinand Marcos Sr. Pinuna niya ang eleksiyon noong 1967, ang sobrang paggastos ni Marcos Sr. sa imprastraktura na tinawag na “edifice complex,” pati na ang militarisasyon ng pamahalaan. Pruweba ng kanyang pagiging kritiko ang paghuli sa kanya matapos ideklara ang batas militar. Inaresto at ikinulong siya sa Camp Crame kasama ang iba pang oposisyon. Kahit sa kulungan, sinunod niya ang kanyang mga prinsipyo. Nang humarap siya sa Military Tribunal, tumanggi pa rin siyang sumuko sa kagustuhan ni Marcos Sr.

Habang hindi ako naniniwalang nabubuhay tayo para magsakripisyo, naniniwala akong kinakailangan ito para sa mabuting buhay at mabuting bayan. Hindi perpekto si Ninoy Aquino, ngunit maaari natin siyang alalahanin kapag kailangan natin ng liwanag at tapang upang magpasyang magsakripisyo.

Syempre, maraming kumuwestiyon at kumukuwestiyon sa kanyang pagkaburgis. Hindi naman maiiwasang pag-usapan ang panlipunang uri. Ngunit sa kabila ng kanyang kinalakihan, tila naging tapat siya sa kanyang prinsipyo at sa ordinaryong Pilipino sa kanyang mga pasya.

Imahen na si Ninoy Aquino noong buhay pa siya, ngunit napatibay pa ito ng kanyang asasinasyon. Kung papanoorin niyo ang huling panayam sa kanya, makikitang alam niya. Alam niyang maaring hindi na siya makatapak nang buhay sa Pilipinas.

Puwede na sana siyang makalusot dahil sa kanyang pribilehiyo. Puwede na sana siyang manirahan na lang sa Amerika, pero pinili niyang umuwi. Kapag nagpasya ka nang ganoon kabigat, kapag alam mong pwede ka na sanang tumakas ngunit pinili mo pa ring magsakripisyo, nagiging perpektong imahen ka ng sakripisyo, tapang at pagmamahal sa iyong kababayan.

Hindi maikakaila na malaking rason ng pagtatagumpay ng People Power ang pagkamatay ni Ninoy Aquino. Kapag ninakaw ng mapang-api ang liwanag sa lagim, maaari kang magpasya na maging liwanag. Ito mismo ang ginawa ng mga Pilipino.

Ang magsakripisyo ay ang pagpili ng pagdurusa para sa kabutihan ng marami. Kasama ng maraming biktima ng batas militar, nagpasyang magsakripisyo si Ninoy Aquino para sa posibilidad ng demokrasya at pagpapatumba ng diktadura.

Sa kadahalinang ito, palaging magiging mahalaga ang Ninoy Aquino Day. Ngunit sa panahong isang Marcos na naman ang pangulo, mas lalong litaw ang kahalagahan nito. Sa kasalukuyan, hindi lamang mahalagang gunitain ito, mahalaga ring gawin itong inspirasyon dahil parehas ang ating karanasan noon at ngayon. Mahal ang bilihin, malala ang paglabag sa karapatang pantao at nagpapakalat ng pekeng kasaysayan ang mga Marcos upang magmukha silang bayani.

Maaari tayong mabalisa dahil sa estado ng ating bayan; sa katunayan, dapat tayong mabalisa. Ngunit kailangan din nating tandaan na hindi tayo bubuhatin ng kawalan-ng-pag-asa patungo sa pagbabago. Tinatawag tayong tularan si Ninoy Aquino. Magpasya tayong maging matapang, makatarungan at tapat sa kapwa Pilipino. Magpasya tayong magpatuloy at lumaban.

Habang hindi ako naniniwalang nabubuhay tayo para magsakripisyo, naniniwala akong kinakailangan ito para sa mabuting buhay at mabuting bayan. Hindi perpekto si Ninoy Aquino, ngunit maaari natin siyang alalahanin kapag kailangan natin ng liwanag at tapang upang magpasyang magsakripisyo.