59th IBPA, pinalalayas sa barangay sa Batangas

August 18, 2023

Kilos-protesta ng mga magsasaka ng tubo at residente ng Batangas noong Agosto 4 laban sa panggigipit ng mga sundalo sa kanila komunidad. Larawan ni Boy Bagwis.

Sa kabila ng matinding pananakot at panliligalig ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army 59th IBPA), nagprotesta ang mga manggagawang bukid at residente ng unang distrito ng lalawigan ng Batangas noong Agosto 4 sa bayan ng Balayan para kundenahin ang okupasyon at panggigipit ng mga sundalo sa Barangay Putol sa bayan ng Tuy.

Lumahok sa piket-protesta ang mga manggagapak o mga mgasasaka ng tubo at mga kasapi ng Sugarfolks’ Unity for Genuine Agricultural Reform (Sugar) Batangas at Kaisahan ng mga Manggagagawang Bukid sa Tubuhan (Kaisahan). Sumama rin ang mga residente mula sa iba’t ibang bayan para ipanawagan ang pagpapalayas sa 59th IBPA sa Barangay Putol.

Inerereklamo ng mga residente ng Barangay Putol ang takot at perwisyong dulot ng presensyang operasyon militar ng 59th IBPA.

Kabilang sa naitalang kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso kay Hailey Pecayo, tagapagsalita ng grupo sa karapatang pantao na Tanggol Batangan.

May kaugnayan ang mga kaso sa paratang na nilabag ni Pecayo ang Anti-Terrorism Law at pagpatay sa siyam na taong gulang na si Kylene Casao sa bayan ng Taysan noong Hulyo 18, 2022 at sa magsasakang may kapansanan sa pag-iisip na si Maximino Digno sa bayan ng Calaca noong Hulyo 26, 2022. Ilan lang ito sa mga kasong nilabag ng 59th IBPA.

Pinagbantaan at pinaghahanap din ng mga sundalo si Jaysie Balugna, kasalukuyang tagapagsalita ng Sugar-Batangas at Kaisahan. Dulot ng takot ng pamilyang Balugna, tuluyan na nilang nilisan ang kanilang komunidad.

Ayon sa Sugar-Batangas, inokupa ng 59th IBPA ang bahay ng mga residente at may balitang magtatagal ang mga sundalo nang dalawang linggo. Humigit kumulang sa 30 sundalo ang idinistino ng 59th IBPA sa naturang barangay.

Iniinda at nangangamba ang mga residente sa Barangay Putol ang pagkaantala ng kanilang kabuhayan na nagdudulot ng gutom sa kanilang pamilya dahil sa lumalalang militarisasyon sa komunidad.

Mga maggagapak ang karamihan ng naninirahan sa Barangay Putol na ngayo’y patong-patong ang dinaranas na kahirapan matapos magsara nitong Enero ang Central Azucarera de Don Pedro, pinakamalaking sugarcane mill sa Batangas, na lubos na nakaapekto sa suplay ng asukal.