Ibon: Marcos Jr. admin, pinakamabilis umutang sa kasaysayan
Ayon sa Ibon Foundation, ang administrasyong Ferdinand Marcos Jr. bilang “pinakamabilis umutang” sa kasaysayan na may average na P200 bilyong dagdag sa kabuuang utang kada buwan.

Isasalang na sa Kamara at Senado ang panukalang P6.7 trilyong pambansang budget para sa 2026, na ayon sa Malacañang ay popondohan sa pamamagitan ng karagdagang P2.7 trilyong utang.
Ayon sa Ibon Foundation, kulang ang kita ng gobyerno kumpara sa gastusin nito—halimbawa, sa 2025, P6.7 trilyon ang budget ngunit P4.2 trilyon lang ang kita.
Tinagurian ng independent think tank ang administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. bilang “pinakamabilis umutang” sa kasaysayan na may average na P200 bilyong dagdag sa kabuuang utang kada buwan. Inaasahang aabot sa P19 trilyon ang kabuuang utang ng bansa sa 2026.
“Kitang-kita na ‘yong priorities ng gobyerno ay mabalik ‘yong bayad nila sa utang kaysa sa pangangailangan ng mamamayan,” ayon kay Ibon Foundation executive director Sonny Africa.
Binatikos din ng grupo ang paggamit ng malaking bahagi ng bagong utang para sa debt servicing kaysa sa edukasyon, kalusugan, pabahay at ayuda at ang pagbawas ng buwis sa malalaking kompanya at mayayamang pamilya habang dinaragdagan ang pasanin ng mahihirap at middle class.
Nanawagan ang Ibon sa publiko na maging mapagbantay sa pagtalakay ng panukalang budget at tutulan ang pangungutang na hindi nakikinabang ang taumbayan.