close
Talasalitaan

Transition Council


Tungkulin nitong tiyakin ang katatagan, ihanda ang daan para sa mga bagong eleksiyon at itatag ang bagong kaayusan.

Transition Council o Konsehong Transisyon – Isang pansamantalang lupon na binuo upang pamunuan ang bansa o isang organisasyon sa panahon ng malaking pagbabago sa pamahalaan, tulad ng pagkatapos ng rebolusyon, pagbagsak ng isang rehimen o matinding krisis. Tungkulin nitong tiyakin ang katatagan, ihanda ang daan para sa mga bagong eleksiyon at itatag ang bagong kaayusan.

Sa Pilipinas, ang mga mamamayan at mga organisasyon na magbitiw sa puwesto sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Pangalawang Pangulong Sara Duterte, at lahat ng mga sangkot sa malawakang katiwalian sa gobyerno dahil kawalan ng moral na kapasidad na pamunuan ang ating bansa.

Isa sa mga nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para sa agarang pagbibitiw nina Marcos Jr. at Duterte na parehong may kaugnayan at responsable sa malawakan at sistematikong korupsiyon sa gobyerno. 

Hinihiling ng grupo ang pagbuo ng isang Pambansang Konsehong Transisyon upang pamunuan ang bansa. 

Kung mapapatalsik sa poder sina Marcos Jr., Duterte at iba pang mga tiwaling opisyal ng gobyerno, isinusulong ng Bayan na mapalitan sila ng isang transition council. Ani ng grupo, kinakailangan ang isang bagong konseho dahil hindi makakamit ang pananagutan laban sa mga burukratang kapitalista sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Ang naturang gobyerno ng transisyon ay dapat magsagawa ng mga kinakailangang repormang pampolitika at sosyo-ekonomiko.

Ang paglala ng kahirapan at kalagayan ng pamumuhay ng nakararaming mamamayang Pilipino sa nakalipas na apat na taon sa ilalim ng pamumuno ni Marcos Jr. ay kalunus-lunos na sitwasyon. Sa halip na tugunan ang kalagayan ng mga ordinaryong Pilipino, masugid na pinoprotektahan at itinataguyod ni Marcos Jr. ang interes ng mga oligarko, mga kroni sa negosyo, at mga kaalyadong dinastiyang pampolitika habang sunod-sunuran sa mga dikta ng imperyalismong US.

Ang isinusulong na pamahalaan ay maaaring pamunuan ng isang konseho ng transisyon, na binubuo para sa paglikha ng isang malawak at pinamumunuan ng sibilyan na pansamantalang lupon na gagabay sa bansa sa tinatawag nitong lumalalang krisis sa politika.

Binigyang-diin nito na ang konseho ay hindi magiging isang junta militar kundi isang kinatawan na konsehong sibilyan na kinabibilangan ng mga miyembro ng tunay na oposisyon sa politika, mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, mahihirap sa lungsod, mga pambansang minorya, mga grupong relihiyoso, mga organisasyon ng lipunang sibil, mga eksperto sa batas, mga akademiko, mga lider ng negosyong nakatuon sa reporma, at mga retiradong opisyal ng pagpapatupad ng batas na may malinis na rekord.

Ayon sa Bayan, ang pangunahing magiging tungkulin ng konseho ng transisyon ay ang pag-isahin ang bansa sa isang programa na unang tutugon sa kahilingan ng mamamayan na panagutin ang lahat ng mga tiwaling opisyal.

Dapat din umanong tiyakin ng konseho ang paglalagay ng sapat na pananggalang laban sa laganap na malawakan at sistemikong korupsiyon para hindi maulit muli ang korupsiyon sa bansa.

Samantala, sinabi ng Bayan na dapat tiyakin rin ng konseho ang pagsusulong ng mga repormang sosyo-ekonomiko na tutugon sa lumalalang kalagayan ngayon ng mamamayan. Kabilang dito ang dagdag sahod, subsidyo sa mga magsasaka, at abot-kayang serbisyong panlipunan tulad ng pangkalusugan hanggang sa pagpapatupad na nakatuon sa tunay na repormang agraryo at pagpapatatag ng pambansang ekonomiya. 

Pangangasiwaan rin ng konseho ang isang malaya, patas at tunay na demokratikong eleksyon sa bansa. Mangangailangan ito ng kagyat na mga repormang elektoral para pigilan ang dominasyon ng mga kandidato mula sa mga dinastiya sa politika, automated na pandaraya sa eleksyon at malawakang vote-buying, ayon sa Bayan.

Ang iminungkahing konseho ay bibigyan ng pangunahing tungkulin. Pangunahin na tiyakin ang pananagutan sa pamamagitan ng malayang pagsisiyasat at pag-uusig sa mga kaso ng korupsiyon; ipatupad ang mga matagal nang naantalang reporma, kabilang ang pagpasa ng batas laban sa political dynasty na ipinag-uutos ng Konstitusyon; at maghanda para sa isang malinis at kapani-paniwalang halalan, kasama ang mga reporma sa Commission on Elections.

Kung magpapatuloy ang mga imbestigasyon, hindi makakamit ang tunay na hustisya at pananagutan kung sa ilalim ng parehong mga grupong maka-Marcos at maka-Duterte na hindi nakasentro sa pagsisiwalat ng katotohanan kundi para pagtakpan ang krimen ng korupsiyon at tiyakin na makatatakas sa pananagutan si Marcos at Duterte kasama ng kanilang mga pangunahing kasapakat.

Para maisakatuparan ng mamamayang Pilipino ang mga ito, nanawagan ang Bayan ng “mas malalaki at mas mapangahas” na mga kilos protesta para panagutin at patalsikin sa puwesto sina Marcos at Duterte. “Kagyat na kinakailangan na magbuo ng malapad na pagkakaisa ang lahat ng mga demokratikong uri, sektor at puwersa,” dagdag pa ng Bayan.

Ang sambayanang Pilipino lamang ang may kapangyarihang baguhin ang sistema. Sa pamamagitan lamang ng sama-samang pagkilos, makakamit ang pagbabago sa sistema, na siyang kumukumpleto sa katotohanang ang isang konseho ng transisyon na nasa kolektibong pamamahala ay hindi isang abnormal na paraan tungo sa pagbabago ng sistema, kundi isang hamon sa mga mamamayan na sama-samang makilahok sa pagbabago ng sistema.